Naglunsad ng panibagong pag-atake ang United States laban sa Iran nitong Linggo, Hulyo 12, 2026, matapos umanong atakihin ng Tehran ang isang sasakyang pandagat sa Strait of Hormuz na nagdulot ng sunog sa isang container ship at nagpilit sa mga tripulante nitong lumikas sa barko.
Kasunod nito, iniulat na nagsagawa rin ng mga pag-atake ang Iran na umano’y tumarget sa Bahrain, Kuwait, Qatar, at United Arab Emirates (UAE), na lalo pang nagpalala sa tensyon sa rehiyon ng Persian Gulf.
Itinuturing na mahalagang sentro ng sigalot ang Strait of Hormuz sa anumang posibleng negosasyon sa pagitan ng US at Iran upang tuluyang wakasan ang digmaan na nagsimula noong Pebrero 28.
Bago sumiklab ang digmaan, tinatayang nasa ikalimang bahagi ng pandaigdigang kalakalan ng langis at natural gas ang dumaraan sa nasabing ruta. Dahil sa kontrol ng Iran sa lugar sa kasagsagan ng labanan, nagkaroon ng pandaigdigang krisis sa enerhiya at umabot sa mahigit $120 kada bariles ang presyo ng langis bago ito muling bumaba nitong mga nakaraang linggo.
Ayon sa United States Central Command, tinamaan ng kanilang opensiba ang humigit-kumulang 140 target sa Iran, kabilang ang mga missile at drone launch sites, imbakan ng mga bala, communication equipment, at iba pang military facilities.
Sinabi ng American armies na ang mga pag-atakeng ito ay layuning pahinain ang kakayahan ng Iran na magsagawa ng mga pag-atake laban sa mga sibilyang barko at komersyal na sasakyang-dagat na dumaraan sa Strait of Hormuz.
“The attacks degrade Iran’s ability to attack civilian mariners and commercial vessels freely transiting the strait,” anang American army.
Patuloy namang binabantayan ng iba’t ibang bansa ang lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan dahil sa pangambang maapektuhan ang pandaigdigang suplay ng enerhiya at seguridad sa rehiyon.

Share.
Exit mobile version