NAGDEKLARA ang United States Central Command na magsisimula ang blockade sa lahat ng pantalan ng Iran sa Persian Gulf at Gulf of Oman.
Ito ay upang mapigil ang biyahe ng mga barko patungo-at-mula sa Iran—epektibo ngayong Lunes.
Ayon sa pahayag, saklaw ng blockade ang lahat ng barko mula sa iba’t ibang bansa na papasok o lalabas sa mga pantalan ng Iran. Gayunpaman, nilinaw ng CENTCOM na hindi maaapektuhan ang kalayaan sa paglalayag sa Strait of Hormuz para sa mga barkong patungo o galing sa mga pantalan na hindi sakop ng Iran.
Ang hakbang na ito ay nakikitang malaking pag-igting sa tensyon sa Gitnang Silangan, lalo na’t ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang daanan ng langis sa buong mundo. Ang mga bansang umaasa sa suplay ng enerhiya mula sa rehiyon ay inaasahang magbabantay nang mabuti sa magiging epekto ng blockade.
Samantala, binigyang-diin ng mga opisyal ng US na ang layunin ng hakbang ay pigilan ang mga aktibidad ng Iran na itinuturing nilang banta sa pandaigdigang kalakalan at seguridad.

