Sampung indibidwal na sangkot sa ilegal na droga ang naaresto ng mga awtoridad sa loob ng isang drug den kasunod ng isinagawang buy-bust operation sa Barangay Dau, Mabalacat City, Pampanga kamakalawa ng hapon.
Nakumpiska ng Philipiine Drug Enforcement Agency (PDEA) Pampanga Provincial Police Office sa operasyon ang humigit-kumulang Php 108,800.00 na halaga ng hinihinalang shabu.
Kinilala ang mga naarestong suspek gamit ang kanilang mga alyas na sina Max, 55; Jun-Jun, 30; Ric, 33; Enteng, 25; Tonyo, 40; Yan -Yan, babae, 40; Gie, 35; Ria, babae, 52; Pepe, 52; at Ron, 32.
Nakumpiska ng operating team ang pitong sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 16 gramo ng pinaghihinalaang shabu (nagkakahalaga ng P108,800), iba’t ibang kagamitan sa droga, at ang marked money na ginamit sa operasyon.
Ang mga nahuling suspek ay pansamantalang ikukulong sa pasilidad ng PDEA-3 sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga.
Napag-alamang ang sampung naaresto ay napakalaking salot sa pagtutulak at pagbebenta ng shabu sa parteng Dau at iba pang barangay sa Mabalacat City.
Ang operasyon ay isinagawa sa pamamagitan ng pagtutulungan ng PDEA Pampanga Provincial Office at Mabalacat City Police Station.
Ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ay inihahanda na ngayon para sa pagsasampa sa korte.(Danilo Gravador)
