ARESTADO ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation – Criminal Intelligence Division (NBI-CRID) ang isang Tsino sa lungsod ng Pasay kaugnay sa pagkakasangkot umano sa isang malakihang visa-processing scam at robbery-extortion laban sa isang kumpanyang Tsino at iba pang mga dayuhan.

Sa pamamagitan ng isang entrapment operation hinuli ang tsino sa isang restaurant sa Pasay City.

Huli sa akto ang suspek matapos tanggapin ang “marked money” kapalit ng pagbabalik sa mga itinagong pasaporte ng mga biktima.

Sa naging operasyon nabawi ng NBI ang dalawampu’t dalawang (22) dayuhang pasaporte na pagmamay-ari ng mga biktima mula sa China, Vietnam, at Taiwan.

Nagsimula ang imbestigasyon kasunod ng pormal na reklamo mula sa kinatawan ng mga biktima.

Humingi sila ng tulong sa NBI-CRID para mabawi ang tinatayang 20 hanggang 25 na pasaporte na labag sa batas na ipinagkakait at itinatago ng suspek.

Sa pagsisiyasat, gumamit ang suspek ng isang mapanlinlang na pamamaraan kung saan nagpanggap siyang may malalakas at “influential connections” sa loob ng Bureau of Immigration (BI). Ginamit niya ang kuwentong ito upang kumbinsihin ang mga dayuhan na isuko sa kanya ang kanilang mga pasaporte para diumano sa pagpoproseso ng kanilang visa renewal applications.

Gayunpaman, sa ginawang beripikasyon ng NBI sa Bureau of Immigration (BI), napag-alamang walang anumang aplikasyon para sa visa renewal ang inihain o pinroseso ng suspek.

Sa kabila nito, patuloy na itinago ng suspek ang mga dokumento at tahasang tumangging ibalik sa mga tunay na may-ari. Lumabas sa imbestigasyon na ang naging modus operandi ng suspek ay ang kunin ang tiwala ng mga biktima sa pamamagitan ng pekeng tulong sa visa processing, ipitin ang kanilang mga pasaporte, at pagkatapos ay humingi o manggipit ng halagang ₱150,000.00 bawat pasaporte kapalit ng pagbabalik nito.

Ang kawalan ng mga pasaporte at dokumento ay nagdulot ng matinding panganib sa mga biktima dahil sa kawalan ng legal na pagkakakilanlan at kakayahang bumiyahe.

Ipinahayag ni NBI Director Melvin Matibag na pormal nang sasampahan ng NBI ang suspek ng mga kaukulang kasong kriminal sa korte kabilang ang: Robbery-Extortion, Estafa, Grave Coercion at Resistance and Disobedience, Obstruction of Justice.

Muli namang nagbabala ang NBI sa publiko, partikular sa mga dayuhang naninirahan sa bansa, na maging maingat sa mga indibidwal na nag-aalok ng mabilisang transaksyon sa pamahalaan gamit ang mga umano’y “koneksyon,” at ireport agad sa kanilang tanggapan ang anumang katulad na uri ng pangingikil. (Gina Garcia)

 

Share.
Exit mobile version