Inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Storm Higos sa Huwebes, Hunyo 25 at bibigyan ng lokal na pangalang “Gardo”.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), alas-10 ng umaga nitong Miyerkoles, namataan ang sentro ng TS Higos sa layong 2,120 kilometro silangan ng Gitnang Luzon.
Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Taglay ng bagyo ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 65 kph malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 80 kph.
Ayon sa Pagasa, mananatiling malayo ang TS Higos sa kalupaan ng Pilipinas at hindi inaasahang direktang makaaapekto sa lagay ng panahon at kondisyon ng karagatan sa bansa.
Posible rin itong manatiling isang tropical storm, bagama’t hindi inaalis ang posibilidad na lumakas pa ito at maging severe tropical storm.
Samantala, patuloy namang humihina ang Bagyong Francisco habang kumikilos pa-hilaga.
Huling namataan ang sentro nito sa layong 295 kilometro silangan hilagang-silangan ng Basco, Batanes, at kumikilos sa bilis na 10 kph.

Share.
Exit mobile version