Nakatanggap umano ng death threats si Toni Gonzaga noong 2022 sa kasagsagan ng matinding pambabatikos sa kanya, kahit nagdadalang-tao siya noon sa anak nila ng asawang si Paul Soriano.
Sa panayam niya kay Gary Valenciano para sa “Unshaken” podcast, binalikan ni Toni ang panahong sunod-sunod ang batikos sa kanya kaugnay ng pag-endorso niya sa mga politiko.
Inilarawan niya ito bilang isa sa pinakamabigat at pinakamagulong yugto ng kanyang buhay.
“There was never a time when I felt things would get better or that they would ease up. I was pregnant at the time and received death wishes,” pahayag ni Toni.
Hindi raw niya alam noon kung kailan matatapos ang mga batikos at masasakit na komento. Mas naging mabigat pa ang sitwasyon dahil buntis siya habang hinaharap ang lahat ng ito.
Dahil sa pinagdaanan, inamin ni Toni na nagbago ang kanyang pananaw sa mga taong mabilis manghusga.
Mas naging maunawain at compassionate umano siya dahil naranasan din niyang maging sentro ng matinding paghusga.
“It made me kinder and less judgmental because I know what it is like to be judged every day,” aniya.
Inakala rin daw niya noong una na magiging bitter siya dahil sa mga natanggap na batikos, pero ibang bagay ang naging epekto nito sa kanyang pagkatao.
“I thought I was going to be bitter, mean to people, pero naging kinder ako, softer, more understanding, more compassionate,” saad niya.
Sa gitna ng negatibong ingay, mas naramdaman din daw niya ang pagmamahal at suporta ng kanyang pamilya at ilang taong patuloy na nagpaalala sa kanya na hindi siya nag-iisa.
“When I was most hated, I felt most loved,” sey ni Toni.
Naisip din ng aktres na baka tuluyan nang matapos ang kanyang career dahil sa kontrobersiya.
Pinili niyang manalangin at ipaubaya sa Diyos ang lahat ng masasakit na salita at masasamang hiling na natanggap niya.
Isa rin sa natutunan niya ay hindi kailangang sagutin o patulan ang bawat taong may masasabi laban sa kanya.
“I have always believed that you cannot fight your battles by debating or arguing with people. You will never win,” pahayag niya.
====

Share.
Exit mobile version