Isang lalaki na pinaghihinalaang kabilang sa mga miyembro ng agaw-motorsiklo sa Bulacan ang naaresto sa isinagawang follow-up operation ng pulisya sa Lungsod ng San Jose Del Monte kamakalawa.
Ayon sa ulat ni Police Lt. Colonel Reyson M. Bagain, hepe ng SJDM CPS, dakong alas-4:30 ng madaling araw nang umatake sa Malabon Street, Brgy. Sto. Cristo, ang suspek at tangayin ang isang Honda ACB125 CBFL na iniwang nakaparada ng 35-anyos na biktima.
Sinasabing sinamantala ng suspek ang malakas na buhos ng ulan at saka sinikwat ang motorsiklo na hindi namamalayan ng biktima.
Kasunod nito, ilang minuto matapos mapansin ng biktima na nawawala ang kanyang naparadang motorsiklo ay kaagad niya itong iniulat sa mga operatiba ng SJDM CPS.
Kagyat namang rumesponde ang mga tauhan ng Sector 5 ng SJDM CPS at sa isinagawang follow-up operation ay naaresto ang 28-anyos na suspek, na residente ng Brgy. Sto. Cristo. at narekober rin ang ninakaw na motorsiklo.
Kasalukuyang nasa kustoiya ng SJDM CPS ang suspek na nakatakdang sampahan ng paglabag sa R.A. 10883 (New Anti-Carnapping Law).
Inaalam din ng mga awtoridad kung ang suspek ay kabilang sa mga notoryus na grupo ng agaw-motorsiklo na kumikilos sa Bulacan.
Muling pinagtitibay ng Bulacan Police Provincial Office, sa pangunguna ni PColonel Angel L Garcillano, acting provincial director, ang kanilang pagtupad sa tungkulin na ipatupad ang batas at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng maagap na aksyon at pakikipagtulungan ng komunidad.(DG)