Tiklo ang isang lalaking sumaksak sa kanyang bayaw dahil umano sa tahol ng aso sa bayan ng Hagonoy.
Sa ulat ng Hagonoy police station, naganap ang insidente sa pagitan ng 10:00 hanggang 11:30 ng gabi ng Abril 13 sa Brgy. San Agustin.
Ayon sa salaysay ng saksi, dumating ang suspek para bumili sa tindahan ng biktima na kanyang bayaw ngunit nainis umano ito sa tahol ng aso.
Nilapitan ng biktima ang suspek hanggang sa nagkaroon ng pagtatalo na nauwi sa pisikalan subalit naawat naman ng saksi.
Ilang sandali lamang ang lumipas ay bumalik ang suspek na may dalang patalim at inundayan ng saksak ang biktima sa loob ng tindahan.
Dahil dito, agad humingi ng saklolo ang kaanak ng biktima sa mga Brgy. Tanod na rumesponde sa lugar kaya nasundan at naharang ang suspek.
Tinangka umanong tumakas ng suspek sa mga humarang na tanod subalit saktong napadaan ang Off Duty na pulis sa nasabing bayan na si Pat Nestor Agne na tumulong kaya tuluyang naaresto ito.
Nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek habang nasa kustodiya ng nasabing istasyon.

Share.
Exit mobile version