Kumpiyansa ang Malacañang na hindi tatayo sa korte ang mga pabago-bagong testimonya ng 18 ‘Maleta Boys’ na nagdidiin sa ilang mga opisyal ng gobyerno sa flood control scam.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, basura ang mga testimonya ng 18 Maleta Boys kaya hindi tatayo sa korte dahil pabago-bago ang kanilang mga ipinapahayag laban sa mga pilit nilang isinasangkot sa eskandalo.
Naunang isinangkot ng 18 Maleta Boys si Senator Loren Legarda sa kanilang akusasyon subalit nitong Lunes ay binawi dahil nagkamali lamang umano ang mga ito.
Sinabi ni Castro na hindi makakapasa sa masusing pag-aaral at pagsusuri ng korte ang testimonya ng 18 indibidwal dahil hindi consistent ang mga ito sa kanilang mga sagot kapag natatanong.
“Basura. Hindi po ito tatayo sa korte, itong mga ganitong klase ng statements na pabago-bago,”ani Castro.
Kasabay nito, pinuna ni Castro ang abogado ng 18 Maleta Boys kung bakit ito ang nagsasalita at sumasalo sa mga pagtatanong sa halip na ang mga nag-aakusang kliyente nito.
Sa ganitong estilo ani Castro ay makikita ng taumbayan kung ano-anong klase ang mga kuwento para makapanira lamang.

Share.
Exit mobile version