Pinatawan ng Department of Labor and Employment (DOLE) si resigned Ateneo Blue Eagles head coach Tab Baldwin at Ateneo de Manila University (ADMU) dahil sa umano’y mga paglabag kaugnay ng work permit.
Sa desisyong inilabas ng DOLE nitong Martes, idineklarang administratively liable sina Baldwin at ADMU sa magkahiwalay na paglabag sa Article 40 ng Labor Code kaugnay ng Alien Employment Permit (AEP).
Pinagbabayad sina Baldwin at ADMU ng tig-P10,000 dahil sa kabiguang makakuha ng kinakailangang AEP.
Bukod dito, pinatawan si Baldwin at ang ADMU ng P4.9 milyon na multa na kanilang pananagutan dahil sa kabiguang makakuha ng Certificate of Exemption (COE).
Ayon sa DOLE, hindi nakakuha si Baldwin ng COE mula Pebrero 10, 2025 hanggang sa kanyang pagbibitiw bilang head coach noong Hunyo 15, 2026.
Kaugnay nito, inirekomenda rin ng DOLE sa Bureau of Immigration (BI) ang pagsasagawa ng summary deportation proceedings laban kay Baldwin.
====
