Mananatiling ipinagbabawal ang paglangoy sa Bacuit Bay dahil sa patuloy na mataas na antas ng coliform sa tubig habang hinihikayat ng Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB) ang lokal na pamahalaan na pabilisin ang mga hakbang sa wastewater management.
Sa isinagawang inspeksyon, sinabi ni DENR-EMB Mimaropa Regional Director Joe Amil Salino na paulit-ulit nilang natutuklasan ang pagdaloy ng hindi nalinis na wastewater mula sa mga drainage outfall patungo sa baybayin, partikular sa Barangay Masagana.
“Kahapon medyo malinis-linis pero ngayon ito maitim na naman. So ito ang process talaga na nagkakaroon tayo na untreated wastewater lumalabas sa Masagana outfalls,” ani Salino.
Ayon sa opisyal, ilang buwan nang nagsasagawa ang EMB ng dye-tracing operations upang matukoy kung maayos na dumadaan sa sewage treatment plants ang wastewater ng mga establisimyento o kung may mga bypass na nangyayari.
Naglabas na rin umano ang EMB ng Notices of Violation laban sa mga establisimyentong lumalabag sa wastewater regulations. Maaari umanong umabot sa Pollution Adjudication Board ang mga kaso na may kapangyarihang magpataw ng multa o closure orders sa ilalim ng Clean Water Act.
“Ang penalty ngayon under the Clean Water Act is P10,000 a day. So from the time na maglabas until hindi nila makorrect,” sabi ni Salino.
Bagama’t patuloy ang pagbabantay ng EMB sa mga negosyo at establisimyento, binigyang-diin niya na malaking bahagi ng problema ay nagmumula sa domestic wastewater mula sa mga kabahayan na saklaw ng responsibilidad ng lokal na pamahalaan.
Samantala, sinabi ni El Nido Municipal Mayor Edna Gacot Lim na may nakalaan nang pondo para sa pagtatayo ng cluster tank at treatment system sa Barangay Masagana ngunit nahaharap ito sa mga isyu sa lokasyon at permit dahil sakop ng protected area ang El Nido.
Nanawagan din siya sa DENR na mapabilis ang pagproseso ng mga permit sa oras na maisumite ng LGU ang mga kinakailangang dokumento.
Dahil sa patuloy na mataas na coliform levels, sinabi ni Salino na mananatili ang swimming ban sa buong Bacuit Bay. Gayunman, nilinaw niyang maganda pa rin ang kalidad ng tubig sa mga island destinations ng El Nido.
Binigyang-diin ni Salino na kinakailangan ang mas mabilis na pagkilos ng lahat ng sektor upang maprotektahan ang karagatan ng El Nido at maresolba ang matagal nang problema sa drainage at wastewater infrastructure.
Trending
- Gilas Women U18 tinalo ang Vietnam sa SEABA qualifiers
- Alas Pilipinas kasado na para sa AVC Women’s Cup
- Sugar Mercado super iyak, wagi ng P1M sa dance contest
- Pambato ng Pampanga wagi sa Mrs. Philippines International
- Angelica, tinawag na ‘bionic woman’ ng asawa
- Swimming ban sa Bacuit Bay sa El Nido
- Namboboso sa dormitory, nandedekwat din ng brief
- Fil-Am nasa FBI ‘most wanted list’ dahil sa $34M bingo fraud sa Guam
