Inaresto ng mga operatiba ng Pasay City Police Station Sub-Station 2 ang isang 38-anyos na babae matapos umanong saktan ang kanyang 12-anyos na stepson sa Barangay 32 sa nabanggit na lungsod.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Mildred”, residente ng naturang barangay.
Isinagawa ang pag-aresto noong Miyerkules ng gabi, Hulyo 29 sa pakikipagtulungan ng mga opisyal ng Barangay Violence Against Women and Children (VAWC).
Batay sa imbestigasyon, naganap ang insidente madaling-araw noong Hulyo 29 matapos hanapin ng suspek ang biktima sa isang computer shop sa hinalang may nawawalang pera sa kanilang bahay.
Nang tumanggi umano ang bata na umuwi o sumama sa barangay hall, sapilitan siyang hinila ng suspek, dahilan upang magtamo siya ng mga pasa sa kaliwang tuhod at sugat sa ibabang labi.
Lalong lumala ang insidente nang kagatin umano ng suspek ang bata sa kanang balikat, na nagdulot ng pamamaga at mga gasgas malapit sa kanang tenga habang sinusubukan nitong ipagtanggol ang sarili.
Sa ulat, 4:00 ng madaling-araw, dinala ang biktima sa barangay hall bago isinugod sa Pasay City General Hospital para sa agarang pagsusuri at gamutan.
Kasunod ng reklamong inihain ng mga opisyal ng barangay at ng ama ng biktima, nagtungo ang mga pulis at Barangay VAWC personnel sa tahanan ng suspek kung saan siya inaresto.
Dinala ang suspek sa Women and Children Protection Desk ng Pasay City Police Station para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Isasailalim din siya sa inquest proceedings sa Pasay City Prosecutor’s Office.

===

Share.
Exit mobile version