“MAKATOTOHANANG paglilinis ng Gobyerno ang pangako ni Presidente Ferdinand Marcos Jr.”
Ito ang matapang at diretsong pahayag ng suporta ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, isang tunay na lingkod-bayan at tagapagtanggol ng dangal ng gobyerno sa isinagawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kahapon.
“Bihira tayong makakita ng Presidente na hindi pinagtatakpan ang mga pagkakamali. Hindi siya nagkukunwari. Harap-harapan niyang inamin ang gulo sa sistema ng gobyerno at sinabing nililinis niya ito. Hindi lamang puro salita ang Presidente kundi gumagawa,” pahayag ni Goitia matapos ang SONA.
Partikular niyang tinukoy ang pagbubunyag ng Pangulo sa korapsyon sa mga proyekto ng gobyerno, lalo na sa flood control, kung saan sinabi nito na may mga kasabwat na mga opisyal ng gobyerno at negosyante na maituturing na mga cartel na kumikilos sa loob ng sistema at nangako na bubuwagin ang mga ito.
“Napakatagal nang ginagatasan ang mga proyektong dapat sana ay nagliligtas ng buhay. Yung perang nakalaan para sa bayan, napupunta sa bulsa ng iilan. Ngayon lang may Pangulo na may lakas ng loob na ilantad ‘yan sa mismong araw ng SONA. Isa lamang ang ibig sabihin nito, seryoso ang Pangulo” dagdag ni Goitia.
Para sa kanya, simple lang ang mensahe ng Pangulo: tapusin ang palusot, itama ang sistema, at ibalik ang tiwala ng bayan.
“Walang paandar, walang palabas. Trabaho lang. Sinabi niya kung ano na ang nagawa, at ano pa ang dapat tapusin. Hindi siya nagyayabang, nagsasabi lang siya ng totoo,” ani Goitia.
Pinuri rin niya ang ipinapakitang resulta ng mga proyekto sa ilalim ng Build Better More.
“Yung mga paliparan, tren, terminal, hindi drawing o kaya press release. Hindi propaganda kundi patunay na progreso,” aniya. Sa usaping foreign policy, todo suporta rin si Goitia sa paninindigan ni Marcos.
“Hindi ito pagiging sunud-sunuran. Istrahiya ito. Pinipili natin ang pakikipagkaibigan pero hindi tayo nagpapadikta. Tumitindig tayo bilang isang bansa.”, diin niya.
Pero higit sa lahat, hanga si Goitia sa malinaw na direksyon ng Pangulo, mula agrikultura hanggang digitalization, kahit hindi ito ‘popular’ sa mata ng mga pulitiko.
“Habang nakatuon na isip ng iba sa pamumulitika, iniisip niya kung anong klaseng Pilipinas ang iiwan sa mga susunod na henerasyon. Hindi siya naghahanap ng pagpuri. Gusto niyang mag-iwan ng maayos at progresibong bansa,” sabi ni Goitia.
Sa gitna ng ingay at palabas sa politika, naninindigan si Goitia na si Presidente Marcos ay hindi umaarte. Siya ay kumikilos para sa hinaharap para kapakanan ng Pilipinas.
“Hindi lamang ito simpleng talumpati. Ito ay isang malinaw na babala sa mga tiwali at maging sa taong bayan, hindi tayo dapat makontento sa status quo. May Pangulo tayong kumikilos at hindi namumulitika.”
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay chairman emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD); People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER); Liga Independencia Pilipinas (LIPI); at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.