Magkakaroon ng social pension ang mga people with disabilities (PWD) kapag naipasa ang panukalang batas na inakda ni Nueva Vizcaya Rep. Timothy Joseph “Tim” Cayton.
Sa ilalim ng House Bill (HB) 9885 o Social Pension for Persons with Disability (PWD) Act, nais ni Cayton na mabigyan ng buwanang social pension ang lahat ng kwalipikadong PWD upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Ayon bagama’t may iba’t ibang benepisyo ang mga PWD sa ilalim ng umiiral na batas, marami pa rin ang nahihirapang tustusan ang dagdag na gastusin dulot ng kanilang kondisyon kabilang ang gamot, assistive devices, rehabilitasyon, transportasyon, at iba pang pangangailangan.
“Hindi sapat ang mga diskwento lamang, lalo na para sa mga PWD na may mababang kita o walang pinagkakakitaan,” ani Cayton kaya nais nito na magbigyan ng buwanang P1,000 pensyon ang mga kuwalipikadong PWD.
Noong 2025, umaabot sa 2.5 milyon ang rehistradong PWD sa Pilipinas base sa datos ng National Council for Disability Affairs (NCDA) at Department of Health (DOH).
Sa kasalukuyan, tanging ang mga mahihirap na senior citizens ang may social pension na P1,000 kada buwan kung saan P51.8 billion ang inilaang pondo dito para sa 4.1 million na benepisyaryo ngayong taon.
“Ang kapansanan ay hindi dapat maging dahilan upang mas lalong malugmok sa kahirapan. Tungkulin nating tiyakin na ang ating mga kababayan na may kapansanan ay may sapat na suporta upang mamuhay nang may dignidad at ganap na makilahok sa lipunan,” ani Cayton.
Sinabi ng mambabatas na maglalagay ang mga ito ng mahigpit na sistema ng beripikasyon upang maiwasan ang duplication at panloloko para maprotektahan ang mga benepisyaryo at regular umanong irerepaso ang pension base sa inflation.

Share.
Exit mobile version