Nabulabog ang mga kustomer at residente sa harap ng isang kilalang coffee shop sa EDSA nang magwasiwas ng baril ang isang lasing na security guard noong kamakalawa ng hapon.
Ayon sa ulat, habang nagpapatrulya ang mga tauhan ng Northern Police District (NPD) sa kahabaan ng EDSA, Barangay 86, isang motorcycle rider ang lumapit upang i-report ang lalaking may dalang baril na hayagang iwiniwasiwas sa publiko.
Agad na rumesponde ang District Tourist Police Unit (DTPU) at naabutan ang lalaki sa harap ng Starbucks. Nang mapansin ng suspek ang mga pulis, agad nitong isinilid sa kanyang brown sling bag ang baril.
Hindi na nakapalag ang 27-anyos na suspek na kinilala sa alyas na “Tikboy.” Nakumpiska mula sa kanya ang isang hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na may lamang mga bala, holster, brown sling bag, at ID ng pagiging security guard.
Kasalukuyang nakakulong si Tikboy at nahaharap sa mga kasong Alarm and Scandal, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Batas Pambansa 881 o Election Gun Ban.

Share.