Mariing pumapabor si Sen. Erwin Tulfo sa pagpapasa ng Anti-Political Dynasty Bill sa Kongreso at kinakailangan daw na may magbitiw na isa sa kanilang magkapatid na si Sen. Raffy Tulfo sa pagiging senador sakaling maipasa ang naturang batas.
Matatandaang naipasa na sa isinagawang pinal at ikatlong pagdinig ng Kamara ang House Bill No. 8389 o Anti-Political Dynasty Act noong Hunyo 3, 2026, kung saan nagkaroon ito ng kabuuang boto na 267-20.
Awtor ng naturang House Bill sina House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos at 173 na iba pang mga mambabatas.
Sa naging pahayag naman ni Sen. Erwin sa panayam sa kaniya ng isang radio station nitong Martes, Hunyo 18, sinabi niyang isa raw siya sa mga naghain din ng Anti-Political Dynasty Bill kung saan nagbabawal itong sabay-sabay na mamahala ang mga miyembro ng isang pamilya sa politika.
“Ako po’y isa sa mga nag-file ng Anti-Political Dynasty Bill. ‘Yong amin pong bersyon ay huwag naman pong sabay-sabay lahat. Sabay-sabay kayo diyan,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Meron din pong isa pang bersyon na nakita ko na sinasabing hindi po puwede ‘yong isang pamilya lang talaga.”
Diin ni Sen. Erwin, hindi naman daw puwede sa bersyon ng kanilang Anti-Political Dynasty Bill ang magkasabay-sabay maging sa local government ang bawat miyembro ng isang pamilya.
“‘Yong sa akin naman, hindi po pupuwedeng sabay-sabay kayo diyan na asawa, si lalaki, si babae, si anak, lahat nasa puwesto. Lahat nasa local government unit, ‘di ba?” kuwestiyon niya.
Ani Sen. Erwin, kakailanganin daw magbitiw sa puwesto ng isa sa kanilang magkapatid na si Sen. Raffy sakaling pumasa ang Anti-Political Dynasty Law.
“Kami naman, ‘yong sa akin, ‘yong sa Senado, kapag nakalusot ito, e ‘di isa sa amin, kailangang bumababa. ‘Yon po ang kailangan natin alisin dahil ‘yon din po ang gusto ng mga tao. Kapag nakalusot ito, kailangan talaga. Pero ‘yan po ay masusing pinag-aaralan,” aniya.
Pagtutukoy ni Tulfo, maaari daw kasing makasampa sa puwesto sa bawat lebel ng pamahalaan ang bawat miyembro ng pamilya nang magkakasabay sa bersyon ng Anti-Political Dynasty Bill na ipinasa ng Kamara.
“May bersyon po sila sa Kongreso. Sa Kongreso, doon sa local politics na sinasabi nila. Kasi ‘yong asawa mayor, ‘yong lalaki mayor, ‘yong babae vice [mayor], ‘yong anak 1st councilor, ‘yong asawa governor, ‘yong mga anak mayor o konsehal. Parang ‘ika nga, sila na lahat ang may kontrol ng power,” pagtatapos pa niya.
Samantala, nakatakdang magsagawa special session ang Kongreso sa pangunguna ng Pangulo sa darating na Miyerkules, Hunyo 17, 2026, at isa sa mga inaasahang talakayin dito ang proposed Anti-Political Dynasty Law.
=====
Trending
- Alyssa Valdez nanawagan ng pagkakaisa sa PH volleyball
- Obiena sumungkit ng pilak sa pole vault sa Eurowings Flight Circus
- Thalia, nagluluksa sa mga quake victims
- Bimby at Ryzza Mae, ginu-groom bilang bagong AlDub
- Ex ni Pampi, BFF ni Iwa
- Mga retiradong heneral kinondena Chinese platform sa Bajo de Masinloc
- 209 flood control complaints iniimbestigahan
- DOST-PAGASA, inilunsad interactive weather app
