Muling iginiit ni Executive Secretary Ralph Recto na wala siyang criminal liability sa paglilipat ng ₱60 bilyong PhilHealth reserve funds sa National Treasury at tinawag na “nuisance and harassment case” ang isinampang reklamo laban sa kanya.
“This is nothing but a nuisance and a harassment case. And it should not be tossed aside gently. It should be thrown out with great force,” ayon kay Recto sa kanyang pahayag nitong Lunes.
Nauna rito, naghain ng kasong plunder at technical malversation si doktor at public health advocate Tony Leachon laban kay Recto at ilang Cabinet officials sa Office of the Ombudsman dahil sa umano’y ilegal na paglilipat ng PhilHealth funds.
Ayon kay Recto, isinagawa ang paglilipat alinsunod sa General Appropriations Act of 2024 at iniutos mismo ng Kongreso sa Department of Finance.
Dagdag pa niya, sinabi rin umano ng ilang mahistrado ng Korte Suprema na wala siyang criminal liability dahil “simply followed the law and implemented it in good faith.”
Samantala, sinabi ng Malacañang na iginagalang nito ang paghahain ng kaso dahil karapatan ito ng bawat mamamayan.
Ayon kay Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro, “Lahat naman ng tao ay may karapatan na magsampa ng kaso, ang tanong na lamang diyan ay ito ba ay mananalo o ito ba ay madi-dismiss? So, hintayin na lang po natin.”

Share.
Exit mobile version