tesssssstt

HINDI naging maganda ang debut o unang araw ni Kevin Quiambao sa Korean Basketball League (KBL) sa panig ng Goyang Sono Skygunners matapos itong magtamo ng injury sa kanang paa.

Ang two-time UAAP Most Valuable Player ay nagtala ng anim na puntos (2/5 sa three-pointers) at isang rebound sa loob ng 6:56 minutong paglalaro bago siya lumabas sa laban kung saan natalo ang Goyang Sono sa Seoul SK Knights, 84-57, nitong weekend.

Sa ika-7:42 marka ng ikalawang quarter, habang ang kanilang koponan ay nalamangan lamang ng isa, 30-29, sinubukan ni Quiambao ang isang three-pointer.

Sa kasamaang palad, bumagsak ang kanyang kanang paa sa paa ng kalaban bago ito tuluyang gumulong sa sahig, dahilan upang magka-injury ito.

Hindi na nakabalik si Quiambao sa laro, habang ang Skygunners ay naungusan pa nang husto, na dito’y umabot sa 24 puntos ang kalamangan ng kalaban, 81-47.

Samantala, kahanga-hanga naman ang naging debut ni JD Cagulangan sa KBL para sa Suwon KT Sonicboom noong Sabado.

Bagama’t natalo sila sa kamay ng Seoul Samsung Thunders, 78-63, nagpakitang-gilas si Cagulangan na may pitong puntos, siyam na assists, limang steals, at apat na rebounds.

Ang dating standout mula sa College of Saint Benilde na si Justin Gutang, na naglalaro para sa Thunders, ay nag-ambag ng 11 puntos, apat na assists, at dalawang steals upang maipanalo ang kanilang koponan.

Samantala, tuloy-tuloy naman ang mainit na laro ni Carl Tamayo para sa Changwon LG Sakers.
Ang Gilas Pilipinas forward, na galing sa kanyang career-best 37-point game noong Huwebes, ay muling nagningning makaraang makapagtala ng 31 puntos, walong rebounds, at dalawang steals upang pangunahan ang kanilang 86-82 win laban sa Anyang JKJ Red Boosters.

Share.