Tinukuran ni retired Marine Col. Ariel Querubin na ibaba sa 12 taong gulang ang minimum age ng criminal responsibility.
Inihayag ito ni Querubin kasunod ng panibagong diskusyon hinggil sa Juvenile Justice and Welfare Act matapos ang madugong pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Ayon kay Querubin, may mga batang nasa murang edad na umano ang may sapat nang kakayahang maunawaan ang epekto ng kanilang mga ginagawa.
Ibinahagi rin ng Medal of Valor awardee ang kanyang karanasan noong kabataan at sa kanyang serbisyo militar bilang batayan ng kanyang pananaw.
“Sa akin naman, palagay ko, pwedeng ibaba. Kasi sabi ko nga, ‘yung nakukuwento ko, ‘yung age of discernment,” aniya.
Aniya, Grade 6 pa lamang siya ay naninigarilyo at umiinom na siya ng alak.
Nang tumuntong sa serbisyo militar, nakakita na rin umano siya ng mga armadong menor de edad na ginagamit umano bilang “child warriors” ng mga armadong grupo.
“Mga bata na makikita mo, ‘yung mga lumalabas pa, may mga pictures sila, may mga baril na mga bata,” aniya pa.
Kasabay nito, nanawagan naman si Querubin sa mga may lisensiyang may-ari ng baril na tiyaking ligtas at hindi maaabot ng mga bata ang kanilang mga armas.
“Sa akin kasi, tinago ko lahat ‘yung mga baril ko para hindi maabot ng mga anak ko… Nasa batas naman yung (pagkakaroon ng) gun cabinet,” dagdag pa niya.

====

Share.
Exit mobile version