Umaasa si Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte ng isang patas, makatarungan at walang kinikilingang impeachment trial para sa kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte, kasabay ng pormal na pagsisimula ng paglilitis sa Senado.
Ayon kay Pulong, umaasa siyang magiging propesyonal at nakabatay sa ebidensiya ang buong proseso at hindi maaapektuhan ng politika o mga espekulasyon.
“Like many Filipinos, I hope the proceedings will be conducted fairly, professionally, and without unnecessary distractions,” pahayag ng kongresista.
Saad pa niya, ang mga Pilipino ay deserve ng katotohanan, hindi tsismis; ebidensiya, hindi haka-haka; at katotohanan, hindi propaganda.
Umaasa rin siyang sa prosesong ito, tuluyan nang lilitaw ang katotohanan mula sa bundok ng mga akusasyon, haka-haka, mga naratibong pampulitika at ingay na bumabalot sa isyung ito sa loob ng maraming buwan.
Iginiit din niya na handa ang Bise Presidente na sagutin ang lahat ng alegasyong ibinabato laban sa kanya sa tamang proseso at sa wastong forum.
Hinimok din ni Pulong ang publiko na hayaan ang Senate impeachment court na gampanan ang tungkulin nito at harapin ang makasaysayang paglilitis nang bukas ang isipan.
“At the end of the day, political attacks may generate headlines, but only the truth can stand the test of scrutiny,” aniya.
Umaasa rin ang mambabatas na sa pagtatapos ng impeachment trial ay hindi lamang malilinaw ang mga isyu laban sa Bise Presidente kundi mabubunyag din ang tunay na motibo ng mga nasa likod ng mga akusasyon.
Giit niya, hayaang magsalita ang ebidensiya, manaig at lumabas ang buong katotohanan.

Share.
Exit mobile version