Patay ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) nang barilin habang rumesponde sa isang kaguluhan sa loob ng isang videoke bar sa Barangay Binuntucan, Pontevedra, Capiz, Linggo ng madaling araw, Hulyo 20, 2026.
Kinilala ang biktima na si Police Captain Rian Fuentes Ampoyos, 48-anyos, miyembro ng 1st Capiz Provincial Mobile Force Company (PMFC) at residente ng Barangay Swa, President Roxas, Capiz.
Samantala, kinilala naman ang suspek sa alyas na “William,” 38-anyos, at residente ng Barangay Jolongajog, Pontevedra, Capiz.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagkaroon ng komosyon sa loob ng naturang videoke bar na kinasasangkutan ng ilang kostumer.
Agad na rumesponde si PCapt. Ampoyos kasama ang dalawa pang pulis upang awatin at pakalmahin ang sitwasyon.
Habang bineberipika ng opisyal ang mga sangkot sa kaguluhan, bigla umanong bumunot ng baril ang suspek at ilang beses na nagpaputok.
Tinamaan sa ulo si PCapt. Ampoyos.
Agad siyang isinugod sa Bailan District Hospital ngunit idineklara siyang dead on arrival ng mga doktor.
Naaresto naman ang suspek sa mismong lugar ng insidente.
Narekober mula sa kanya ang isang kalibre .45 na pistola, isang ekstrang magasin, at limang buhay na bala.
Patuloy naman ang isinasagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad upang matunton at maaresto ang dalawa pang kasamahan ng suspek na nakatakas matapos ang insidente.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong motibo sa pamamaril.
======
Trending
- Charly Suarez pinatumba si Avila sa Round 1
- Spain kampeon sa 2026 FIFA World Cup
- Andrew E, nag-mini concert sa graduation ng int’l school
- Maja, tinuruang lumangoy ang baby
- Blind item, tinumbok: Iza Calsado at asawa
- Parak sapol ng stray bullet sa away 2 grupong Moro
- Pulis patay sa pagresponde sa gulo sa videoke bar
- Ligtas na access sa WPS mahalaga
