Nasawi ang isang pulis at tatlo pa ang nasugatan nang makuryente sa isang insidente na naganap sa Purok 4, Barangay San Pedro, bayan ng Alegria, Surigao del Norte.
Kinilala ang nasawi na si Boy Jerry C. Inocentes, 53-anyos, may asawa, at nagsisilbing Deputy Chief of Police ng Alegria Municipal Police Station.
Ayon sa ulat, wala siya sa aktibong duty nang mangyari ang insidente.
Batay sa paunang imbestigasyon, humingi umano ng tulong ang opisyal sa kanyang bayaw upang ilipat ang isang metal scaffolding papunta sa kalapit na bahay.
Gayunman, habang kanilang inililipat ang estruktura, aksidenteng tumama ito sa isang live electrical wire na linya ng kuryente na pinapatakbo ng Surigao del Norte Electric Cooperative.
Dahil dito, nakuryente ang mga taong humahawak sa metal scaffolding.
Agad na isinugod si Inocentes sa Kitcharao District Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival ng doktor.
Samantala, ang tatlo pang nasugatan na kinilalang sina Rey Daplin, Randy Edillo, at Amping Limato ay dinala rin sa isang pribadong ospital para malapatan ng lunas.
Sa kasalukuyan, nasa stable na kondisyon na umano ang mga ito.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang detalye at ang eksaktong sanhi ng naturang trahedya.
Trending
- Teves kulong parin kahit pinayagang makapagpiyansa
- BARANGAY, SK ELECTION: ILILIBAN ULI
- STRAIT OF HORMUZ : STILL RESTRICTED
- SUPER BIGTIME ROLLBACK : DIESEL –P26/L
- Pinas, magho-host ng 2026 Asia and Oceania Sambo Championships sa Hunyo
- Alex Eala, handa na para sa Madrid Open WTA 1000
- Enchong Dee ibinunyag masamang karanasan sa Air France
- Charlie Puth magko-concert sa ‘Pinas
