Ipinahayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, na isang pulis na umano’y “protector ng illegal activities” sa Negros Occidental ang konektado sa fugitive businessman na si Atong Ang.
Tinanggal sa puwesto at isinailalim sa restrictive custody sa Camp Crame ang isang police major matapos ang raid sa isang illegal cigarette factory sa Bago City na umano’y pinoprotektahan nito. Sampung Chinese nationals ang naaresto sa operasyon noong Abril 21, habang 15 manggagawa, kabilang ang isang menor de edad, ang nasagip.
Ayon kay Remulla, iisa ang may-ari ng illegal cigarette factory sa Bago City at ng e-sabong operation sa Talisay City, at tinawag itong “single operation.”
“What’s complicated here, in our investigation, is that the owner of the illegal tobacco manufacturing in Bago City and the e-sabong operation in Talisay City is the same. It’s a single operation,” pahayag ni Remulla.
Ibinunyag din niya na dating naging protector umano ng operasyon ni Atong Ang ang naturang pulis, bagamat nilinaw niyang hindi pa matibay ang ebidensyang direktang sangkot si Ang.
“They were known as cohorts during the height of e-sabong days in 2021. ‘Yong police major na protector at ‘yong alias Don Robert ay mga tao ni Atong Ang. Pero kung sabihin ko na si Atong Ang ang involved dito, I cannot say in conclusivity na kasama siya,” ani Remulla.
“Siya ‘yong protector. Siya ‘yong nagliligaw sa mga pulis kung may follow up operations na ginagawa,” dagdag niya.
Ayon sa PNP, iniimbestigahan din ang posibleng ugnayan ng e-sabong operations sa Talisay City at ng CIDG operation sa Tondo, Manila.
Patuloy din ang manhunt operations laban kay Atong Ang, na may warrant sa kasong kidnapping, homicide, at serious illegal detention kaugnay ng pagkawala ng ilang “sabungeros.”
Mula Disyembre 2025 hanggang Abril 2026, aabot na sa halos P4 bilyon na halaga ng illegal cigarettes ang nasamsam sa iba’t ibang operasyon sa bansa.

Share.
Exit mobile version