Handa umano ang House prosecution panel na magpresinta ng dalawang testigo kada araw kung papayagan para bumilis ang usad ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House prosecutor at San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora nakahanda ang kanilang susunod na testigo kapag ipinatawag ng Senate impeachment court.
“So prepared naman kami na mag-present ng at least two witnesses a day. Siyempre naghihintay lang ang isa until matapos ang isa and if he will be allowed to testify by the presiding officer,” sabi ni Zamora sa isang panayam sa radyo.
“Sa totoo lang, last week nandoon na rin po yung aming next witness,” dagdag pa nito.
Naglabas ng subpoena ang Senate impeachment court para kina National Bureau of Investigation regional director Jeremy Lotoc, Atty. Zuleika Lopez at Capt. Belinda Bello para sa gagawing paglilitis ngayong linggo.
Inamin ni Zamora na walang katiyakan kung maisasalang ang tatlo dahil bukod sa direct examination ay kailangan ding ikonsider ang oras para sa cross-examination at mga objection na maaaring magpatagal sa paglilitis.
“Hindi pa definite iyon dahil meron tayong three ngayon and we only have three days this week. So tingnan na lang po natin kasi sa totoo lang, every day nagbabago ang arrangement, ang plano,” paliwanag ni Zamora.
Hindi naman umano maaaring tukuyin kung sino-sino pa ang mga testigo na ipatatawag ng prosekusyon.
“Well, siyempre hindi ko masabi kung sino ang ating next witnesses pa, kung meron pa after the three this week. But marami po tayong pinag-uusapan sa prosecution,” dagdag pa ni Zamora.

Share.
Exit mobile version