Sumakabilang-buhay na si Thailand Princess Bajrakitiyabha sa edad na 47 matapos ma-coma ng mahigit tatlong taon.
Nawalan ng malay ang prinsesa noong Disyembre 2022 habang nag-eehersisyo kasama ang kanyang mga aso.
Ayon sa mga doktor, sanhi ito ng matinding irregular heartbeat na dulot ng mycoplasma infection sa kanyang puso.
Ayon sa palasyo, ginawa ng medical team ang lahat ng posibleng paraan upang mapanatili ang kanyang kalagayan ngunit patuloy itong lumala sa paglipas ng panahon.
Binawian siya ng buhay alas-7:48 ng gabi noong Huwebes sa Chulalongkorn Hospital sa Bangkok.
Si Princess Bajrakitiyabha ang panganay sa pitong anak ni King Vajiralongkorn sa kanyang unang asawang si Princess Soamsawali.
Nagtapos siya ng abogasya at nakakuha ng dalawang postgraduate degree mula sa Cornell University sa Estados Unidos.
Nagsilbi rin siya sa misyon ng Thailand sa United Nations sa New York bago naging bahagi ng tanggapan ng Attorney-General ng bansa.
Mula 2012 hanggang 2014, nagsilbi siyang ambassador ng Thailand sa Austria.
Sa kanyang panunungkulan, naging aktibo siya sa pagsusulong ng reporma sa sistemang pangkatarungan, partikular para sa kababaihang nakakulong.
Nakipagtulungan din siya sa United Nations Office on Drugs and Crime upang itaguyod ang rule of law at pagbabago sa criminal justice system ng Thailand.
Noong 2021, itinalaga siya ng kanyang ama bilang chief of staff ng pribadong bodyguard unit ng hari at binigyan ng ranggong heneral.
Bukod sa kanyang serbisyo publiko, kilala rin si Princess Bajrakitiyabha bilang isang fitness enthusiast na madalas sumasali sa mga long-distance running event.
Ang kanyang pagpanaw ay nagdulot ng panibagong mga tanong hinggil sa magiging kahalili sa trono ng Thailand.
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na itinalagang tagapagmana si King Vajiralongkorn, na ngayon ay 73 taong gulang na.
Dahil sa kanyang kakayahan, karanasan at tiwala ng hari sa kanya, matagal nang itinuturing si Princess Bajrakitiyabha bilang isa sa mga posibleng maging mahalagang pigura sa hinaharap ng monarkiya ng Thailand.
Trending
- NBA Final crown abot kamay na ng Knicks
- Abarrientos,Best Player of Conference; Brownlee, Best Import
- Josh Ford, napaopera na ang sakit!
- BILIB, ibinunyag ang sikreto sa matatag na samahan!
- Jinkee, binigyan ng diamond necklace si Queenie
- COC filing para sa Cavite special polls, itinakda
- Prinsesa ng Thailand pumanaw matapos ma-coma
- UAE nagpadala ng tulong sa mga biktima ng lindol
