Idinetalye ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla ang malalang sinapit ng mga naging biktimang kadete sa naganap na insidente ng umano’y hazing sa Philippine National Police Academy (PNPA).
Matatandaang nauna nang kondenahin ng Philippine National Police (PNP) noong Abril 10, 2026, ang naturang insidente ng pananakit sa mga kadete at inihayag nila sa publiko na agad silang nagsagawa ng imbestigasyon patungkol dito.
Ayon naman sa isinagawang press conference ni Remulla kasama ang PNP nitong Lunes, Abril 13, 2026, sinabi niyang nagsimula umano ang hazing incident sa PNPA noong Abril 3, 2026.
Base sa ulat ni Remulla, mga first year sa PNPA ang mga naging biktima ng umano’y “extreme torture” o malubhang pananakit sa naganap na hazing.
Ani Remulla, binuhusan ng pinaghalong Liquid Sosa at muriatic acid ang likuran at pribadong bahagi ng katawan ng mga kadete dahilan para magtamo ang mga ito ng 3rd-degree burn.
“Binuhusan po ang kanilang likod ng mixture ng Liquid Sosa at muriatic acid resulting in 3rd-degree burns,” aniya.
Dagdag pa niya, “Sa ibang kadete ay umabot pa sa kanilang private parts ang asido.”
Diin ni Remulla, hindi raw katanggap-tanggap ang sinapit ng mga kadete at ibinahagi niyang isinagawa ang naturang hazing nang walang pahintulot mula sa mga namumunong pulis sa PNPA.
“Ito po ay hindi katanggap-tanggap. Nakita po namin ang litrato, sunog ang kanilang mga likod hanggang sa baba ay nasunog din,” saad niya.
“Done without the consent of the Police leadership,” pahabol pa niya.
Pagpapatuloy niya, kasalukuyan na raw nakakulong ang tatlong suspek na mga PNPA 3rd class cadet na napatunayan nilang pasimuno sa nasabing insidente.
“Hindi po namin kinokondena ang ganitong klaseng behaviour at sa ngayon ay nakakulong na ‘yong tatlo,” anang DILG secretary.
“Kung makikita n’yo po ang kanilang picture, sobrang nakakaawa po dahil makikita ninyong talagang lapnos ang buong kalikuran nila hanggang sa puwit, hanggang buong ilalim pa,” pagtatapos pa niya.

Share.
Exit mobile version