NAGPAMALAS ng bangis ang mga koponan ng Pilipinas sa Asia Pacific Predator League 2025 ngunit nabigo silang mapanatili ang Predator Shield sa bansa.
Noong nakaraang taon,
Nagtagumpay ang Pilipinas matapos dominahin ng Team Secret at ng ngayo’y disbanded na Blacklist Rivalry ang Valorant at Dota 2 divisions.
Sa Valorant event ngayong taon, bumagsak ang ZOL Esports laban sa koponang Alter Ego ng Indonesia sa finals sa isang sweep, 0-2, na ginanap sa Malaysia International Trade and Exhibition Centre (MITEC).
Bagama’t hindi nakuha ang ginto, nakasungkit pa rin ng silver medal ang bagong tatag na koponan.
Tumanggap sila ng premyong $20,000 matapos makapasok sa finals at maungusan ang VCT franchise team na Boom Esports ng Indonesia sa group stage.
Samantala, nagpamalas din ng bagsik ang Ivory Dota 2 sa torneo ngunit kinapos sila laban sa Malaysian team na Myth Avenue Gaming sa semifinals, na pinangungunahan ng mga Pilipinong propesyonal na manlalaro na sina Mark Anthony “Bob” Urbina at James “Erice” Guerra.
Ang laban ay nagtapos sa iskor na 1-2.
Nakamit ng Ivory ang $7,500 para sa kanilang 3rd-4th place finish sa Dota 2 division ng kompetisyong inorganisa ng Acer.
Samantala, habang isinusulat ito, sina Bob at Erice naman ay may pagkakataon pang maiuwi ang Predator Shield at ang pinakamalaking bahagi ng prize pool na nagkakahalaga ng $65,000.