NASAMSAM ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang search warrant operations ang nasa P4-milyon halaga ng mga pekeng produkto na kinabibilangan ng liquified petroleum gas (LPG) at iba pang produkto na posibleng magdulot ng panganib sa kaligtasan at kalusugan ng publiko sa magkakahiwalay na lugar nitong nakalipas na Setyembre 8, 14, at 15, ng taong kasalukuyan.

Base sa ulat ng NBI– Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD),noong Setyembre 8, sinalakay ang isang refilling station sa Taguig City at nakumpiska ang 12 (2.7kgs) cylinder tanks at isang (11kgs) ng “Island Gas” at “M-Gas,” 18 refilling scales, isang weighing scale, isang LPG compressor, at mga kagamitan sa opisina, na may tinatayang halagang P2,000,000.00.

Buwan rin ng Septyembre 14 sa Maynila at Quezon City, nakumpiska ang 1,018 piraso ng may pekeng trademark ng “AquaFlask,” na may halagang P1,210,440.00, habang sa Iloilo City noong Set. 15 ay nasamsam din ang 742 piraso ng substandard na GI Pipes, na nasa halagang P1,484,000.00.

Umabot sa kabuuang P4,694,440.00 mula sa tatlong operasyon ang nasamsam na mga produkto.

Nagpaalala si NBI Director Atty. Melvin Matibag sa publiko na ang mga pekeng produkto ay nagdudulot ng seryosong banta sa kalusugan at kaligtasan ng mga gumagamit.

Ang trademark infringement, o ang hindi awtorisadong paggamit ng rehistradong trademark, ay lumalabag sa Republic Act No. 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines).

Ang pagbebenta at paggamit ng substandard na bakal ay may parusa sa ilalim ng R.A. No. 7394 (Consumer Act of the Philippines).(Gina Garcia)

Share.
Exit mobile version