Nagpatupad ng search warrant ang CIDG Bulacan Provincial Filed Unit, kasama ang mga kinatawan mula sa Goldman Sack Manufacturing Corporation, katuwang ang mga teritoryal na yunit ng pulisya para sa paglabag sa Republic Act No. 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines) sa isang bodega na matatagpuan sa Brgy. Batia, Bocaue, Bulacan.
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek, at pagkumpiska ng 101 bundle o 80,800 piraso ng umano ay peke o lumalabag sa copyright/trademark na sako ng bigas na may iba’t ibang tatak —na may tinatayang halaga na ₱800,000.00.
Sa isang ulat na isinumite kay CIDG Director, PMGen Robert AA Morico II, nakasaad na ang dalawang suspek—isang lalaking Tsino, ang operator ng bodega, at isang Pilipina, ay inaresto dahil sa pag-iimbak, pag-aari at pagkontrol, at pakikipagkalakalan ng mga sako nang walang pahintulot ng may-ari ng trademark.
Binigyang-diin ng CIDG Director na ang pangunahing layunin ng Republic Act No. 8293, na kilala rin bilang Intellectual Property Code of the Philippines, ay protektahan at pangalagaan ang mga eksklusibong karapatan ng mga siyentipiko, imbentor, artista, at iba pang mga likas na mamamayan sa kanilang intellectual property at mga likha, lalo na kung ito ay kapaki-pakinabang sa mga tao.
Dagdag pa ni PMGen Morico III na patakaran ng estado na palakasin ang pagpapatupad ng mga batas sa intellectual property at mga kaugnay na regulasyon sa buong Pilipinas.
Ang mga naarestong suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Section 168 (Unfair Competition, Rights, Regulation and Remedies) kaugnay ng Section 170 at Section 177 (Copyright or Economic Rights) ng Republic Act 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines).
Pinuri ng pamunuan ng CIDG si PColonel Grant A Gollod, ang regional Chief ng CIDG Regional Field Unit 3 at ang CIDG Bulacan Provincial Field Units sa pangunguna ni PMaj Domingo A Resma Jr. para sa matagumpay na operasyon. (Danilo Gravador)
