Isa si Romnick Sarmenta sa mga aktor na matapang maglahad ng kanyang pinaniniwalaan, na ang alam niyang baluktot ay hindi niya pinalalampas, kahit sangkot pa ang mga malalaking personalidad sa gobyerno.

Sabi nga, sa tapang ni Romnick na magsalita, mag-post sa X, hindi ba siya nawawalan ng trabaho? Na baka may mga prodyuser pa rin na takot sumawsaw sa malalaking isyu sa Pilipinas.

“Hindi naman! Ang subliminal thought ko na lang, kapag nawalan, alam ko na kung bakit. Pero so far, wala naman. At saka, this is not about pride or ego, kung ang sukatan ay kung saan ka nakalinya. Parang ayoko rin magtrabaho,” saad ni Romnick.

Meaning, kung ang iaalok din na trabaho sa kanya ay mula sa mga taong hindi niya pinaniniwalaan, hindi rin niya gustong gawin.

At dito nga sa ‘Drug War A Conspiracy Of Silence’ na prodyus ng Rein Entertainment, at dinirek ni Shugo Praico, ramdam mong all out talaga siya sa laban na ito.

At bongga nga si Romnick, dahil nalilinya talaga siya sa mga pelikula, teleserye na may kinalaman sa mga kuwento na involved ang malalaking tao, o `yung mga paksa na tinatawag nilang may social relevance.

“Tingin ko lang ang mga producers nababasa ang ilang post ko. Hahahaha!

“Parang naiisip nila, ‘uy ito puwede ito’. May paninindigan. Kailangan, eh. Lahat tayo dapat may pinaninindigan o pinaniniwalaang ibang bagay. Kasi kung wala, bakit wala?

“There’s always a risk. Some people would like to play safe, some people would like to…let’s be friends with everyone. Gawin natin ito para hindi tayo mawalan ng kinabukasan at kabuhayan.

“’Yung kinabukasan at kabuhayan, oo kailangan ko. Pero, hindi ko `yon maiiwan sa mga anak ko. So, doon ako sa habang may pagkakataon na makita nila, kung ano sa paniniwala ko, na hindi ko naman sinasabi na dapat nilang sundin, na dapat nilang paniwalaan, pero dapat din habang lumalaki sila, masabi nila na kapag meron akong bagay na pinaniniwalaan, pinaninindigan, may karapatan akong magsalita.

“Ako naniniwala ako na may kabuluhan, may halaga ang kinukwento, na dapat siyang mapanood, mapag-usapan, mapagbigyan ng talakayan. Kasi nga, ito `yung nagiging problema, na kapag may malaking bagay na nangyayari, ang ano natin ay conspiracy of silence. Pero, kaakibat siya ng indifference, na kapag hindi nangyari sa akin, okay lang. Paano naman `yung kapwa ko? So, maganda siyang ilatag, maganda siyang mapanood. Dapat siyang mapagdiskusyunan!” mahabang pahayag ni Romnick.

Sa tingin ba ni Romnick ay matapang ang ‘Drug War A Conspiracy Of Silence’? Lalo na at kuwento nga ito tungkol sa droga, tungkol sa EJK, sa panahon ni former President Rodrigo Duterte?

“Well research ang material. At kung totoo ang istorya, kailangan mo siyang ilatag kung ano talaga siya. Hindi ito `yung basta matapang, kundi `yung kung ano lang ang totoo,” sagot ni Romnick.

Anyway, tinanong ko nga si Romnick kung kaya niyang gumanap sa harap ng kamera bilang si former President Duterte, o kahit ni President Bongbong Marcos?

“Baka hindi ko tanggapin. Malamang hindi! And it’s not a personal thing, kasi hindi ko naman sila kilala personally. Pero, hindi ko…” sagot ni Romnick.

Pero tila nagbago ang isip niya, at nasabi nga niyang…

“Well depende rin siguro sa material. Oo!

“Kasi ginawa namin `yung play na ‘Kumprontasyon’ ni Ron Capinding. Siya `yung fictional Marcos, ako `yung fictional Ninoy.

“At first sabi ko, gusto kong i-play `yung fictional Ninoy. Pero habang tumatakbo ang play, sabi ko, parang ang sarap mag-Marcos.

“Kasi `yung material, eh. ‘Yung material ang nagpakita sa akin ng dichotomy nila, at ‘yung maaaring pinanggagalingan nito. So, ang ganda ng piyesa.

“So parang sabi ko, kahit ano ang ibigay sa akin, tatanggapin ko. Material talaga!” lahad pa ni Romnick.

So, puwede nga siyang mag-Marcos, depende sa material.

Anyway, ang ‘Drug Wag A Conspiracy Of Silence’ ay napapanood tuwing Huwebes sa Rein Entertainment YouTube channel.

Share.
Exit mobile version