Hindi umano makatarungan ang sistema ng pagbubuwis sa Pilipinas dahil tanging ang mga income earner ang pinipiga imbes na ang mga ultra-rich o mga Pilipinong bilyonaryo.
Ito ang pahayag ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima kaya muli nitong kinulit ang liderato ng Kongreso para bigyang prayoridad ang kanilang panukala na buwisan ang bilyones ng mga ultra-rich sa bansa upang magkaroon ng makatarungang pagbubuwis sa bansa.
“In our current taxation system, many consumption taxes burden the majority of the population and heavily impact the poor and the middle class. Government interventions are necessary to address the widening inequality brought about by massive economic disruptions and systemic failures,” ani De Lima.
Sa katunayan aniya, lumabas sa World Bank report noong 2022 na ang Pilipinas ang ika-15 sa 63 bansa sa mundo ang hindi pantay-pantay ang pagbubuwis dahil sa mga mahihirap at working class kinukuha ang malaking buwis imbes na sa mga mayayaman.
Ito ang nais ni De Lima na mabuwag kaya ihinain nito ang House Bill (HB) 9274 o “Ultra-Wealth Tax Act” kung saan bubuwisan ang 1% ang bawat isang bilyong pisong kita ng isang bilyonaryo sa isang taon, 2% sa bawat P2 bilyon at 3% sa bawat tatlong bilyon.
Naniniwala ng mambabatas na hindi mararamdaman ng mga ultra-rich ang buwis na ito dahil base aniya sa Forbes Philippines tumaas ng 12.5% ang yaman ng 50 pinakamayayamang Pilipino noong 2023 umaabot ito ng P4.44 trilyon mula P3.95 trillion noong 2022.
Hindi binanggit ng mambabatas kung magkano ang maidagdagdag sa tax collection kapag naging batas ang panukalang ito subalit sinabi ni De Lima na “Ang malilikom na pondo mula rito, eksklusibong ilalaan sa serbisyong pangkalusugan, pangkabuhayan, edukasyon, pabahay at suporta sa LGU.”
“Batid din natin na ang middle class, tuloy-tuloy man sa pagbabayad ng buwis, hindi naman kadalasang nakatatanggap ng ayuda sa panahon ng krisis o mga di-inaasahang pangyayari,” ayon pa sa mambabatas kaya dapat maipasa aniya ang panukalang ito at mabigyan ng katarungan ang mga mahihirap at income earners na laging pinipiga sa buwis imbest na ang mga mayayaman.
Trending
- Ginebra isang panalo na lamang para makapasok sa finals
- Eala may wild card sa Homburg Open
- Richard Gutierrez, Gerald Anderson tumitindi ang hidwaan
- Vice Ganda namigay ng kare-kare sa mga street sweeper
- John Lloyd Cruz ipinaranas sa anak na si Elias ang simpleng pamumuhay
- Libreng board, bar exam sa qualified indigents, inihain
- MRT-7, ‘di mababawasan ng estasyon
- Pinakamahabang araw mararanasan sa Hunyo 21 – PAGASA
