Iginiit ni House Committee on Basic Education and Culture Vice chairperson at Ako Bicol party-list Rep. Jan Chan ang kahalagahan ng pagkakaisa ng pamilya, paaralan, at komunidad upang mahubog nang tama ang mga bata at matiyak ang kaligtasan ng mga ito.
“Nakababahala ang mga insidenteng kinasasangkutan ng ating mga kabataan. Paalala ito sa ating lahat na ang kaligtasan at tamang paghubog sa mga bata ay isang responsibilidad na pinagsasaluhan ng pamilya, paaralan, komunidad, at ng buong lipunan,” sabi ni Chan.
Sinabi ni Chan na mahalaga ang papel ng mga magulang upang maituro ang tamang asal sa mga bata sa bahay.
“Hindi matatawaran ang papel ng mga magulang. Ang unang paghubog ng disiplina, respeto at tamang asal ay nagsisimula sa loob ng tahanan. Mahalaga rin ang bukas na komunikasyon upang agad mapansin kung may pinagdaraanan ang isang bata,” sabi ng solon.
Ayon kay Chan, dapat ding tuloy-tuloy ang pagrepaso sa mga safety at emergency response measures para maramdaman ng mga bata na sila ay ligtas, iginagalang, at maging komportable sa paghingi ng tulong kung kanilang kakailanganin.
“Hindi sapat na ligtas lamang ang ating mga paaralan. Dapat ding maramdaman ng bawat mag-aaral na may mga taong handang makinig, umalalay, at gumabay sa kanila. Ang pagprotekta sa ating mga anak ay nagsisimula sa tahanan at pinalalakas ng paaralan at ng buong komunidad,” sabi ng mambabatas.
Nagpahayag din ng suporta si Chan upang mapalakas ang mga guidance and counseling program, maging madali ang pagkuha ng mental health service, at mapalawak ang psychosocial support para sa mga estudyante.
Ayon kay Chan, dapat ding magtulong ang mga magulang at paaralan sa pag-promote ng responsableng digital habits sa mga bata para maprotektahan ang mga ito sa mga mapanganib na online content, cyberbullying, at mga katulad na panganib.
Nanawagan si Chan ng patuloy na suporta sa mga inisyatiba upang maging ligtas ang mga paaralan, makalikha ng mga responsible digital citizenship, mapatatag ang mga pamilya, at makapagbigay ng mas maayos na mental health sa mga estudyante.
Trending
- Mommy ni Eman Bacosa: ‘Malinis ka maglaro at ‘di madaya
- Coach Chot Reyes ‘very good coach’ ang pagkakakilala kay Tab Baldwin
- Pops Fernandez nagreak sa kanyang estatwa
- Catriona Gray trending sa Thailand
- Piolo Pascual ‘tinuka’ si Arci Muñoz
- DOT, naglunsad ng discounted travel deals para sa lokal na turismo
- Ikalawang dagdag-toll sa SLEX, STAR, ipatutupad sa Hulyo 1
- Proseso sa pagpapalit ng mga konsyumer ng supplier ng kuryente hiniling paikliin
