Nagbabala si Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules na ang patuloy na pag-uusap tungkol sa Charter change ay maaaring magbigay-daan para manatili si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kapangyarihan lampas sa kanyang termino.
Sa panayam sa media sa The Hague, sinabi ni Duterte na dapat tutukan ng administrasyon ang pagbangon ng ekonomiya sa halip na mga usaping pampulitika, at inakusahan ang gobyerno ng paggamit ng pondo ng estado laban sa oposisyon sa gitna ng tumitinding tensyon.
“Una nyan si dating Pangulong Duterte, sunod nyan si Senator Bato at ano pang ibang sinali sa complaint kuno. Ang sunod nyan ay Charter change dahil di naman na made-deny ni BBM dahil doon sa bago niyang interview ng Bloomberg, sinabi niya na na kailangan ng pag-usapan yan. Pag pinagusapan na ‘yan, di na ‘yan bababa sa pwesto,” ani Duterte.
Ayon pa sa kanya, kapag natuloy ang Charter change, maaari nitong pahabain ang pananatili ni Marcos sa puwesto.
Ibinahagi rin niya ang naging babala ni dating Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa sitwasyon sa pulitika.
“Yan din sinabi ni (former) President Duterte kanina, sabi niya: Pilipinas mag-ingat kayo, dahil ‘di na yan aalis sa pwesto,” dagdag niya.

Share.
Exit mobile version