Pinayagan ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga kolehiyo at unibersidad na magpatupad ng 100 percent online classes bilang pansamantalang tugon sa krisis sa suplay ng langis at kuryente dulot ng nagpapatuloy na sigalot sa Middle East.
Ayon kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, inaprubahan noong Abril 6 ang polisiyang ito sa ilalim ng “Academic Sustainability Plan” ng ahensya upang bigyan ng ganap na flexibility ang lahat ng higher education institutions na magpatupad ng full online learning batay sa kanilang kahandaan.
Aniya, nakabatay ito sa flexible learning rules na unang ipinatupad noong COVID-19 pandemic at nakaayon din sa energy conservation drive ng gobyerno sa ilalim ng Office of the President Memorandum Circular No. 114.
Nilinaw ni Agrupis na ang mga paaralang lilipat sa full online classes ay hindi awtomatikong kikilalanin bilang accredited providers ng formal online distance education sa ilalim ng Online Distance Education Learning framework ng CHED.
“There are some procedures and requirements for a university to apply so that they will be recognized and credited as a school who can deliver pure distance learning,” paliwanag ni Agrupis.
Sinabi rin niya na niluwagan na ng CHED ang mga limitasyong ipinatupad noong panahon ng pandemya, kung saan pinayagan noon ang private higher education institutions sa 50-50 online at face-to-face arrangement, habang ang state universities and colleges ay maaaring magpatupad ng 75 percent face-to-face at 25 percent online setup.
“We just approved yesterday (April 6) that we are giving the full flexibility of all higher education institution to adhere to the previously issued COVID-19 pandemic CMO. But on top of that, depending on their perceived readiness to offer the pure online, sila na iyong mag-de-determine,” ani Agrupis.
“But it does not necessarily mean that if they offer na 100% online teaching and learning management system, ay hindi ibig sabihin na automatic na certified na sila for the ODEL program,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Agrupis, layunin ng advisory na matulungan ang mga estudyante, guro, at mga paaralan sa pagharap sa tumataas na gastusin sa pamasahe at kuryente.
Aniya, dapat lamang magpatupad ng full online setup ang mga paaralan kung sapat ang kanilang information technology infrastructure at handa ang kanilang faculty members na magturo nang epektibo sa digital environment.
Binigyang-diin din niya na hindi dapat maapektuhan ang learning outcomes. Dagdag pa niya, hindi lang ito para sa kasalukuyang academic year at saklaw na ng naunang memorandum order ng CHED ang mga kursong may laboratory requirements.
Trending
- Blazers, dinala sa OT ang matchup vs Nuggets
- Bucks, talo sa Nets
- Walang panibagong lockdown sa Pinas – DOH
- Kaso ng measles-rubella sa Pinas, tumaas ng 45%
- Pagpapaptupad ng 100% online classes, pinayagan ng CHED
- Bato No. 1 absinero, pero may sahod sa Senado
- Libreng online courses sa AI, alok ng Harvard
- Bebot huli sa P698K substandard na mantika, suka, patis sa Bulacan
