Mapipigil ang paglaganap ng Ebola sa Democratic Republic of Congo na kumitil ng mahigit 200 na buhay, sinabi ni UN health chief Tedros Adhanom sa kanyang pagbisita sa naturang bansa upang pangasiwaan ang laban kontra sa lubhang nakakahawang sakit.
Pupuntahan ni Tedros ang lalawigan sa hilagang-silangan ng DRC na sentro ng epidemya.
Nangako si Tedros na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya upang tulungan ang DRC at idinagdag na hindi sinusuportahan ng WHO ang travel ban para labanan ang outbreak dahil hindi naman ito nakakatulong.
Ayon sa pinakabagong datos ng WHO hanggang Mayo 24, may 10 kumpirmado at 223 pinaghihinalaang pagkamatay dahil sa Ebola sa DRC mula nang ideklara ang outbreak noong Mayo 15, mula sa mahigit 1,000 kumpirmado at pinaghihinalaang kaso.
Posibleng mas malawak pa ang tunay na saklaw nito, ayon sa babala ng WHO.
Ito na ang ika-17 paglaganap ng Ebola sa malawak na bansa sa gitnang Africa na may mahigit 100 milyong populasyon.
Mas pinalala ito ng katotohanang nasa silangan ang sentro nito, isang rehiyong mayaman sa mineral na matagal nang sinalanta ng karahasan mula sa iba’t ibang armadong grupo.
Mula 2021, sinakop ng Rwanda-backed M23 ang malaking bahagi ng teritoryo at lumala ang labanan sa huling isa’t kalahating taon.
Walang bakuna o lunas para sa Bundibugyo strain ng Ebola na siyang sanhi ng kasalukuyang outbreak. Pero sinabi ng pinuno ng African Union’s health agency nitong Huwebes na dapat handa na ito bago matapos ang taon.
Pagtitiyak niya bago ang pagtatapos ng taong 2026 ay magkakaroon na ang Africa CDC ng bakuna at gamit laban sa strain.
Sinabi ng WHO na nakatanggap sila ng 4.6 toneladang tulong sa paliparan ng Bunia, kabisera ng Ituri province, habang nagpapadala naman ang UNICEF ng 100 toneladang tulong sa bansa.
Samantala isinara agad ng kalapit na Uganda ang hangganan nito a DRC matapos makapagtala na rin ng isang kumpirmadong pagkamatay at anim pang kaso ng Ebola.
Sinabi ng WHO nitong Huwebes na inirekomenda ng mga advisory group nito ang clinical trials para sa mga bakuna at lunas na maaaring maging epektibo laban sa Bundibugyo strain.
Makikipagtulungan sila sa DRC at Uganda para sa pagsusuri ng mga ito.
Pumatay na ang Ebola ng mahigit 15,000 katao sa Africa sa loob ng 50 taon. Ang pinaka-nakamamatay na outbreak sa DRC ay kumitil ng halos 2,300 buhay mula sa 3,500 kaso sa pagitan ng 2018 at 2020.

Share.
Exit mobile version