Sinalakay sa pamamagitan ng search warrant ang pagawaan ng umano’y pekeng fertilizer na ibinibenta online sa Brgy. Sta Isabel Norte, Ilagan City, Isabela.
Naabutan ng otoridad si alyas “Roy”, 33-anyos na magsasaka, may asawa at residente ng nabanggit na lugar.
Nanguna sa pagsisilbi ng Mandamiento ng Paghahalughog ang CIDG Isabela Provincial Field Unit kasama ang ilang kasapi ng Fertilizer and Pesticide Authority o FPA at Bureau of Fire Protection kaugnay sa paglabag ng akusado sa Presidential Decree No. 1144.
Nakumpiska ang 19 na drum at dalawang lalagyan ng fermented seaweed chemicals, portable mixer, pump, weighing scale, guar gum, mga hilaw na materyales, galon ng “cogent bio-stimulant”, mga lalagyan ng acid, at mga kaugnay na kagamitan na nagkakahalaga ng P1,420,000.00.
Huli umano ang suspek sa pag-iingat sa mga nakitang gamit hawak pa ang mga pestesidyo na hindi rehistrado at walang lisensya mula sa FDA.
Ito’y buhat sa reklamo ng ilang residente sa lugar na nakakalanghap ng masangsang na amoy mula sa bahay na sinalakay na napag-alamang taong 2024 pa nang gamitin bilang laboratoryo partikular ang ikatlong palapag nito kung saan ginagawa ang pataba at pestisidyo na inilalako online.
Pansamantalang nasa kustodiya ng CIDG Isabela ang suspek habang inihahanda na ang kaso laban sa kanya.

Share.
Exit mobile version