Sinabi ni Senador Robin Padilla na minsan niyang pinayuhan si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na magtago kung lalala pa ang sitwasyon kaugnay ng kaso nito sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Padilla, dapat umiwas si Dela Rosa sa posibleng pag-aresto sakaling ipatupad ang arrest warrant laban sa kanya kaugnay ng papel nito sa kampanya kontra droga noong administrasyong Duterte.
“Hindi ko naman tinitingnan na absent ’yon kasi culprit din ako do’n. Ako nagsabi na, ‘Pare, magtago ka muna!,’” ani Padilla.
Dagdag pa niya, nangangamba siya sa posibleng mangyari kung arestuhin si Dela Rosa sa loob ng Senado.
“Kasi ang iniiwasan ko, kapag siya ay hinuli sa Senate at nandoon ako, mamamatay na kaming dalawa du’n,” ani Padilla.
“Kung kukunin siya ng dayuhan doon, sa akin personal ’to. Foreigner ’to, eh,” dagdag niya.
Ayon sa mga ulat, umiwas na sa pagdalo sa mga sesyon ng Senado si Dela Rosa matapos kumalat ang impormasyon na may arrest warrant na umano ang ICC laban sa kanya. Isa siya sa mga tinukoy kaugnay ng drug war ng administrasyong Duterte.
Naitala rin siyang isa sa may pinakamaraming absent sa Senado dahil umano sa pagtatago.
Samantala, sinabi ni Senate Ethics Committee chair Sen. JV Ejercito na maaaring ibasura ang anumang ethics complaint laban kay Dela Rosa dahil wala umanong nakasaad na parusa sa umiiral na rules tulad ng “no work, no pay,” at kailangan munang amyendahan ang mga patakaran ng Senado.

Share.
Exit mobile version