NAKIKITA ni dating three-division world title holder ‘Sugar’ Shane Mosley na maaagaw ng nag-iisang eight-division world champion Manny “Pacman” Pacquiao ang World Boxing Council (WBC) welterweight title kay Mario “El Azteca” Barrios sa pamamagitan ng knockout win sa kanilang sagupaan sa Hulyo 19 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada sa Amerika.

Nakipagsabayan sa takbuhan sa kahabaan ng Griffith Observatory Park ang 53-anyos na American boxing legend sa ‘Team Pacquiao’ na kinabibilangan nina dating world champions Mark “Magnifico” Magsayo at Jerwin “Pretty Boy” Ancajas at Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Felix Marcial upang magpakita ng suporta sa dating nakatunggali noong Mayo 7, 2011.

Hindi malilimutan ng 1998 Fighter of the Year mula Lynwood, California ang nag-iisang tapatan kay Pacquiao sa MGM Grand na nagtapos sa dominanteng 120-107, 120-108, 119-108 unanimous decision win sa Pinoy southpaw.

Sa naturang laban ay napatumba si Mosley sa third round at aminadong nahirapang makarekober sa mga banat ng Filipino boxing legend.

Nanatiling hanga si Mosley sa work ethic ni Mannh at sa makisig na pangangatawan at mabilis na mga galaw nito, kung saan nagpakita ng ilang minutong hand speed at footwork ang 46-anyos na tubong Kibawe, Bukidnon kasabay ang mga Pinoy boxer.

“I see him as very sharp, his legs are too good, it’s worked a long time, it’s boxing. Hand speed, foot speed, and footwork are very important, and he’s doing really great,” pahayag ni Mosley sa panayam ng ESNEWS sa isang video footage.

Habang nagsasagawa ng kanyang footwork si Pacquiao at ang Pinoy boxers ay naitanong rito kung ano’ng magiging kalalabasan ng laban nina Pacquiao at Barrios. Walang patumpik-tumpik na sinagot ni Mosley ang katanungan na, “I think by knockout. He was really good.”

Hindi tumitigil sa kanyang pagpapakondisyon at workout ang bagong upong International Boxing Hall of Famer upang makuha ang sapat na lakas at puwersa na kailangang gamitin kontra Mexican-American boxer. Habang nasa kasagsagan pa rin ng pag-eensayo si Pacquiao ay biniro ito ni Mosley na “And the new!” sabay nag-angat ng dalawang kamay si Pacman.

Nais patunayan ni Pacquiao, na may 62-8-2 win-loss-draw record kaakibat ang 39 knockouts, na may ibubuga pa ito sa ibabaw ng boxing ring para makuha ang kanyang ika-anim na 147-pound title na huling beses nagwagi at lumikha ng kasaysayan noong Hulyo 20, 2019 laban kay Keith “One Time” Thurman para sa WBA belt sa MGM Grand Arena.

Halos apat na taon na nang huling nasulyapan sa ibabaw ng boxing ring si Pacquiao nang mabigo ito laban kay Yordenis “54 Milagros” Ugas ng Cuba para sa World Boxing Association crown noong Agosto 21, 2021 sa T-Mobile Arena sa Las Vegas.

Tinapos ni Pacquiao ang kanyang halos apat na taong pagreretiro sa mundo ng professional boxing upang hamunin si Barrios para sa korona at umukit ng panibagong kasaysayan sa 147-pound division bilang “oldest boxer” sa edad na 46-anyos.

Share.
Exit mobile version