Inanunsyo ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino nitong Martes ang P85 na dagdag sa arawang minimum wage ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Ginawa ni Tolentino ang anunsyo sa isang pananghaliang boodle fight kasama ang mga nagtitinda sa palengke at mamimili sa Pamilihang Bayan ng Malabon. Itinuturing ito bilang pinakamalaking wage increase sa kasaysayan ng rehiyon.
Ayon sa DOLE, tinatayang 1.1 milyong manggagawa sa Metro Manila ang makikinabang sa wage hike na ipatutupad sa dalawang yugto sa ilalim ng Wage Order No. NCR-27.
Simula Hulyo 19, 2026, ipatutupad ang P60 na dagdag-sahod, habang ang natitirang P25 ay ipatutupad sa Enero 20, 2027.
Sa sandaling ganap na maipatupad, tataas ang minimum wage sa non-agriculture sector mula P695 hanggang P780 kada araw.
Para naman sa mga manggagawa sa agrikultura, retail at service establishments na may 15 o mas kaunting empleyado, at manufacturing establishments na wala pang 10 empleyado, tataas ang minimum wage mula P658 hanggang P743 kada araw.
Aabot naman sa humigit-kumulang P17,204.63 ang buwanang sahod para sa mga limang araw nagtatrabaho kada linggo, at nasa P20,631.79 para sa anim na araw na trabaho.
“Ang wage order na ito ay produkto ng tunay na tripartite na diyalogo — ang mga manggagawa, employer, at pamahalaan ay may puwesto sa mesa,” ani Tolentino.
“Ang desisyong ito ay nagpoprotekta sa kapangyarihang bumili ng mga manggagawa habang iginagalang ang mga realidad na kinakaharap ng mga employer, lalo na ang maliliit at katamtamang laki na mga negosyo,” dagdag pa niya.
Trending
- Sapilitang bag inspection sa iskul, target ng DepEd
- LPA namumurong maging bagyong ‘Henry’; malaking bahagi ng Luzon, uulanin
- 13-anyos pababa pagbabawalan sa social media
- Kahit may ‘word war’, Pinas at Tsina, friends pa rin
- P85 dagdag-sahod sa Metro Manila
- Kisame ng Candaba Trade Center sa Pampanga, gumuho
- Hukay sa kalsada gumuho: 2 patay, 1 sugatan
- Nagpapakabit ng solar power, dumadami dahil sa mataas na singil ng kuryente
