Nakumpiska ang mahigit dalawang kilo ng shabu na laman ng isang abandonadong parcel sa isang customs warehouse sa Pasay City bago magtanghali nitong Martes, Mayo 19.
Sa inisyal na ulat ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, isinagawa ang interdiction operation bandang alas-11:30 ng tanghali sa DHL Express Philippines sa Cargo Haus Bldg. Custom Bonded Warehouses, Pasay City.
Ayon sa IADITG, ang nadiskubreng parcel na idineklarang “Plastics and Ropes” ay ipinadala umano ni Ms. Khiev Sreymean ng Street Lum, Sangkat Phsar Daem Thkov Khan Chamkmron, Phnom Penh, Cambodia, at naka-consign kay Wenifreda Cruz ng New Imus Village, Anabu, Imus, Cavite.
Nalaman na ang parcel ay naglalaman ng 10 spool ng plastic ropes kung saan nakasilid ang mga transparent plastic bag na nakabalot sa itim na duct tape. Tumitimbang ito ng mahigit dalawang kilo o 2,102 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P14,293,600.
Dinala ang nakumpiskang ebidensya sa Philippine Drug Enforcement Agency Laboratory Service para sa pagsusuri.
Nahaharap naman sa kasong paglabag sa Section 4, Article II ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nasasangkot na indibidwal sa Pasay City Prosecutor’s Office.
Ang NAIA-IADITG ay binubuo ng mga operatiba ng PDEA RO-NCR, kabilang ang Bureau of Customs-Customs Anti-Illegal Drugs Task Force, Philippine National Police Aviation Security Group, Airport Police Department, Philippine National Police Drug Enforcement Group, National Bureau of Investigation, at Bureau of Immigration.

Share.
Exit mobile version