Mahigit 20 oras nasunog ang Navotas Sanitary Landfill (NSLF) nang sumiklab ang apoy Biyernes ng gabi.
Idineklara nang “fire under control” ng Bureau of Fire Protection-Navotas ang sunog sa lumang NSLF, na unang naiulat 8:23 ng gabi noong Abril 10, 2026. At patuloy ang suppression operations upang tuluyang maapula ang natitirang apoy at usok.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), hindi agad malapitan ng mga bumbero gamit ng bangka ang lugar ng sunog dahil sa low tide.
Kinailangan kasing gumamit ng fireboats ng mga bumbero dahil matatagpuan ang landfill sa isang isla.
Sumama na rin ang Philippine Air Force sa pag-apula sa sunog na nagpadala ng mga helicopter para magsagawa ng aerial water drops.
Siniguro naman ng BFP sa publiko na malayo ang sunog sa residential areas.
Non-operational na ang Navotas Sanitary Landfill mula noong Agosto 2025 at huling ginamit bilang dumping site para sa mga basura sa Metro Manila.
Naglunsad na ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang malaman ang sanhi ng sunog.
Nakipag-ugnayan na rin ang LGU Navotas sa pangunguna ni Mayor John Rey Tiangco sa LGU Obando kaugnay ng mga pangamba ng ilang residente. Dahil sa direksyon ng hangin, maaaring mas maapektuhan ng usok ang mga kalapit na lugar, kaya hinihikayat ang mga residente roon na magsuot ng face mask bilang pag-iingat.
Sa kasalukuyan, tinutukoy ang insidente bilang rubbish fire sa waste mass ng landfill, at patuloy pang iniimbestigahan ang eksaktong sanhi ng sunog.
Dating nasa pamamahala ang NSLF ng Phil. Ecology Systems Corporation. Itinigil ang operasyon nito noong Agosto 26, 2025 kasunod ng pagtatapos ng prangkisa nito.
Samantala, pinapayuhan ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang publiko, na magsuot ng face mask kapag lalabas ng bahay dahil sa kasalukuyang kalidad ng hangin sa lungsod.
Batay sa Air Quality Index (AQI) nitong April 11, nasa “Fair” ang kalidad ng hangin sa Anda Circle, San Sebastian Residences, at Sta. Ana Hospital, habang “Unhealthy for Sensitive Groups” naman sa may Tayuman.
Ayon sa ulat, posibleng dulot ito ng usok mula sa sunog sa Navotas Sanitary Landfill na umaabot sa ibang bahagi ng Metro Manila.
Trending
- Pambato ng PTA umabante sa Philta Women’s Open semis
- Annie Ramirez, Yman Xavier Baluyo PH flag bearers sa Asian Beach Games opening ceremony
- Celeste, ready ng magpa-sexy
- Kyline, magbibigay ng ayuda sa mga driver ng jeep
- Bea-Vincent wedding ‘di tuloy sa May 16
- 12 ex-Marines sa ‘maleta scam,’ Zaldy Co, paghaharapin sa Blue Ribbon hearing
- Validity ng mga lisensya at registration, extended na
- Angkas babawasan komisyon sa mga rider
