Inihahanda na ni Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, ang paghahain ng kasong kriminal laban sa ilang opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Anti-Money Laundering Council (AMLC), at ilang kongresista sa Quezon City Prosecutor’s Office nitong Abril 27, 2026.
Kabilang sa mga ireklamo sina BSP Governor Eli Remolona Jr., AMLC Executive Director Ronel Buenaventura, at ilang miyembro ng Kamara tulad nina House Committee on Justice Chair Gerville Luistro, Akbayan Party-List Rep. Percival Cendaña, Chel Diokno, at Mamamayang Liberal Party-List Rep. Leila de Lima.
Batay umano ito sa paglabag sa Anti-Money Laundering Act, Bank Secrecy Law, at Data Privacy Act dahil sa paglalabas umano ng sensitibong banking records.
Ito ay kasunod ng pag-ulat ng AMLC sa Kamara de Representantes na may halos P6.77 billion “suspicious” at “covered” transactions na konektado kina Vice President Sara Duterte at Carpio sa loob ng halos dalawang dekada.
Ayon sa AMLC, kabilang dito ang bilyon-bilyong pumasok at lumabas sa kanilang mga account, habang may bahagi ring hindi matukoy ng lumang sistema.
Giit ni Carpio, ilegal ang umano’y paglabas ng mga rekord at ginagamit umano ito para sa “black propaganda” laban sa pamilya Duterte, lalo na sa gitna ng mga isyung politikal at impeachment proceedings.
Aniya, protektado ng batas ang bank records at hindi ito dapat ipinapakita.
Mariin namang itinanggi ng ilang mambabatas ang alegasyon. Ayon kina De Lima at Cendaña, saklaw ng kapangyarihan ng Kamara ang pagdinig sa impeachment at hindi ito paglabag sa bank secrecy laws.
Giit nila, bahagi ito ng accountability process at may legal na basehan ang pagtalakay sa mga financial transaction kung may isyu ng posibleng anomalya.
Samantala, binigyang-diin ng ilang opisyal ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na ang mismong reklamo ay hindi pagtanggi na walang katotohanan ang mga financial records na nakita ng AMLC kundi nakatuon lamang sa isyu ng paglalabas ng impormasyon.

Share.
Exit mobile version