Nagtapos ang isang buwang selebrasyon ng 64th Cityhood Anniversary ng Lungsod ng Caloocan sa isang gabi ng pagbibigay-pugay sa women empowerment sa pamamagitan ng idinaos na Miss Caloocan 2026 Grand Coronation Night noong Pebrero 27 sa Caloocan City Sports Complex.
Tinanghal na Miss Caloocan 2026 si Lorin Benavides mula sa Barangay 140.
Samantala, itinanghal namang mga runner-up sina Aliah Canillas, Joy Angelyn Dungog, Ma. Veronica Paula Guzarin, at Kimberly Quilinguen.
Binati ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang lahat ng nagwagi at kalahok sa taunang patimpalak at hinikayat ang mga ito na ipagpatuloy ang kanilang mga adbokasiya para sa lungsod.
“Congratulations, ladies! Maraming salamat sa inyong paglahok sa Miss Caloocan 2026 at sa pag-angat ng kumpiyansa at pagtulong na magbigay ng boses sa mga kababaihan sa ating lungsod,” ani Mayor Along.
“Manalo man o matalo, ipinakita ninyo sa aming lahat ang ganda, talino, talento, at malasakit sa kapwa ng mga tunay na Batang Kankaloo,” dagdag pa ni Mayor Along.
Binati rin ni Mayor Along si Caloocan City Cultural Affairs and Tourism Council (CCATC) Chairman Aubrey Malapitan at ang buong Cultural Affairs and Tourism Office (CCATO) sa matagumpay na pagpapakita ng lokal na kultura at moda.
“Sa pagtutulungan ng CCATC at CCATO, mahusay nating naidaos ang Miss Caloocan 2026 at nabigyan ng oportunidad hindi lamang ang pag-angat sa kakayahan at imahe ng kababaihan, kundi pati na rin ang pagpapaunlad sa kalidad ng local fashion at turismo,” pahayag pa ni Mayor Along.

Share.