Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa umano’y lumalalang kaso ng human trafficking kung saan nirerekrut ang mga Pilipino upang magtrabaho bilang sundalo sa ibang bansa, matapos maharang kamakailan ang anim na biktima sa iba’t ibang paliparan sa bansa.
Sa pahayag nitong Biyernes, sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na dapat maging mapagmatyag ang publiko laban sa mga kahina-hinalang alok ng trabaho sa abroad, lalo na yaong kulang o walang sapat na dokumento at may kinalaman sa military o security work.
Ayon kay Viado, nakakaalarma ang panlilinlang ng ilang grupo sa mga Pilipino upang pasukin ang trabaho bilang armadong tauhan sa mga hindi tinutukoy na lugar, na naglalagay sa kanilang buhay sa matinding panganib.
Una nang nasagip ang isang 52-anyos na lalaki sa Ninoy Aquino International Airport noong Marso 31 matapos magpanggap na turista na bibisita umano sa kaibigan sa ibang bansa.
Gayunman, napansin ng mga awtoridad ang mga hindi tugmang detalye sa kanyang pahayag hanggang sa umamin itong siya ay isang army reservist at na-recruit sa pamamagitan ng Facebook upang sumali sa isang dayuhang military unit. Inalok umano siya ng $2,500 buwanang sahod at $25,000 signing bonus.
Kinabukasan, dalawa pang lalaki na may edad 38 at 39 ang naharang sa Clark International Airport habang patungo sana sa Bangkok, Thailand. Tulad ng naunang kaso, nagpanggap din silang magbabakasyon ngunit kalaunan ay umaming inalok silang maging sundalo sa ibang bansa kapalit ng $1,500 buwanang sahod at $30,000 joining bonus.
Dalawa pang indibidwal, edad 49 at 50, ang pinigilan sa NAIA Terminal 3 noong Abril 5 habang sinusubukang makalabas ng bansa patungong Ethiopia.
Samantala, isang 51-anyos na lalaki rin ang naharang sa NAIA Terminal 1 noong Abril 12 matapos umanong ma-recruit upang magtrabaho bilang sundalo sa China.
Ayon sa BI, ang lahat ng nasagip na indibidwal ay itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking upang imbestigahan at sampahan ng kaso ang mga recruiter na nasa likod ng ilegal na gawain.
Trending
