Isang high-value individual na sinasabing miyembro ng isang criminal gang ang naaresto sa isang operasyon ng droga sa Castillejos, Zambales kamakalawa.
Sa ulat mula kay PColonel Benjamin P Ariola, provincial director ng Zambales PPO, ang 40-taong-gulang na lalaking suspek, residente ng Castillejos, ay kinilala sa ulat ng pulisya bilang isang HVI at itinuturong miyembro ng notoryus na Mercurio Criminal Gang.
Ang suspek ay naaresto kasama ang isang 23-anyos na babae sa Barangay San Jose sa isang operasyon laban sa ilegal na droga na isinagawa ng Castillejos Municipal Police Station, Zambales Police Intelligence Unit, at Zambales Provincial Intelligence Team ng Regional Intelligence Unit 3.
Nakumpiska ng pulisya ng pitong heat-sealed sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱88,400.00.
Ang mga suspek at ang mga nakumpiskang gamit ay dinala sa Castillejos MPS para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.
Sinabi ni Chief PNP Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na ang pag-aresto ay nagpapakita ng kahalagahan ng sustained intelligence work at coordinated police operations sa pagtugon sa mga indibidwal na sangkot sa illegal drug trade.(Danilo Gravador)

Share.
Exit mobile version