Sinisilip na ng ilang mambabatas at mga energy expert ang financial records ng Manila Electric Co. (Meralco), partikular ang kita nito mula sa distribution business at paniningil ng system loss charges sa mga konsyumer.

Kasunod ito ng mga panawagan nina Senador Bam Aquino at Senador Risa Hontiveros, gayundin ni Akbayan Rep. Chel Diokno, para sa congressional inquiry sa mga singil ng Meralco at kung makatwiran at hindi labis ang mga ito.

Hinamon din ni energy regulation expert at abogado Lester Ople ang Meralco na buksan ang kanilang financial records at ilahad kung magkano ang aktuwal na kinikita ng kompanya mula sa pangunahing distribution business nito.

Ayon kay Ople, mahirap suriin ang pahayag ng Meralco na malulugi ito kapag pinasagot sa kompanya ang system loss charges dahil pinagsasama sa financial disclosures nito ang distribution, power generation at retail electricity supply businesses.

“How can we trust Meralco’s statement if they only report consolidated income instead of segregating their income by specific business activities?” tanong ni Ople.

Ang system loss charges ay ipinapataw upang mabawi ng distribution utilities ang halaga ng kuryenteng nawawala dahil sa technical losses, electricity theft at iba pang non-technical losses.

Para sa mga customer ng Meralco, umaabot umano sa humigit-kumulang 5% ng karaniwang electricity bill ang naturang charges.

Samantala, iniulat ng Meralco ang P26.3 bilyong net income sa unang kalahati ng 2026.

Mas naging mahalaga umano ang usapin sa transparency habang hinihintay ang regulatory approval sa bagong four-year regulatory period ng Meralco sa ilalim ng performance-based regulation framework ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Nag-apply ang Meralco para sa bagong rate na P2.34 kada kilowatt-hour para sa Hulyo 2026 hanggang Hunyo 2030, mas mataas kumpara sa dating aprubadong P1.35 kada kWh.

Kapag inaprubahan, direkta umanong makaaapekto ang naturang rate sa electricity bills ng milyun-milyong household at business consumers sa susunod na apat na taon.
======

Share.
Exit mobile version