Natapos na ng Police Regional Office 3 ang imbestigasyon sa pagkamatay ng isang babae at dalawa niyang anak na natagpuang patay sa loob ng sasakyan sa San Rafael, Bulacan ngunit hindi na muna ilalabas ang detalye ng imbestigasyon dahil sa pakiusap ng pamilya ng mga biktima.

 Ayon kay PNP spokesperson PCol Allen Rae Co, naisumite ng PRO 3 kay PGen Jose Melencio Nartatez Jr ang kanilang report na kaugnay sa insidente.

 Agosto 20 nang matagpuan ang bangkay ng mag-iina na may mga tama ng bala sa ulo sa likurang bahagi ng isang mult-ipurpose vehicle na nakaparada sa Barangay Talacsan sa San Rafael.

 Bago ang insidente, Agosto 19 nagtungo pa umano ang biktima sa bahay ng kanyang mga magulang sa Angat, Bulacan kasama ang dalawang anak, kumain at nag-usap sila roon at nagbigay pa umano ng pera ang babae sa kanyang mga magulang.

 Bago mag-alas-5 ng hapon, nagtungo ang biktima sa San Rafael kasama ang mga anak at ibinaba ang isang kaibigan na siya ring nagmaneho ng sasakyan. 

 Pagkatapos nito, muli siyang bumiyahe patungong Angat subalit bandang alas-5:30 ng hapon, hindi na umano sumasagot sa telepono ng babae.

 Sinuri ng mga imbestigador ang dashcam footage ng sasakyan at sa paunang pagsusuri, wala namang nakitang ibang taong sumakay sa sasakyan bago natagpuan ang mga biktima.

 Narekober din sa crime scene ang isang 9mm na baril na nakarehistro sa pangalan ng biktima, gayundin ang mga fired cartridge at slug.

 “Ngayon sa kahilingan ng pamilya ng nasawi and to respect their privacy ay hanggang doon na lang ang maibibigay at puwede siguro kayo na ang mag-ano sa pamilya kung ano po ang nangyari”, dagdag ni Co sa mga nagtanong na mamamahayag.(Danilo Gravador)

Share.
Exit mobile version