Arestado ang mag-asawa sa isinagawang buy-bust operation sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte noong Lunes ng hapon, kung saan nasamsam ang tinatayang isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon.

Kinilala ni Lt. Col. Esmael Madin, hepe ng Sultan Kudarat Municipal Police Office, ang mga suspek sa kanilang mga alyas na “Gemma,” 28, at “Usop,” 33, kapwa residente ng Barangay Limbo sa nasabing bayan.

Ayon kay Madin, isinagawa ang operasyon 4:50 ng hapon sa pakikilahok ng Philippine National Police-Special Action Force, Philippine Army, at Philippine Drug Enforcement Agency. Hindi na umano nanlaban ang mag-asawa nang arestuhin.

Narekober sa mga suspek ang hinihinalang shabu at buy-bust money. “Nakuha rin kay Usop ang isang 9mm pistol na may mga bala,” ani Madin.

Idinagdag niya na mahigit dalawang buwan nang minamanmanan ang mag-asawa. Kasalukuyang nakakulong sa Sultan Kudarat police detention facility ang dalawa at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Share.
Exit mobile version