Dagdag na hamon sa Department of Agriculture (DA) ang babala ng Bangko Sentral ng Pilipinas na maaaring magpalala sa inflation ang El Niño dahil sa banta ng tagtuyot sa lokal na produksiyon habang nagdudulot naman ng kawalang katiyakan sa suplay ng pagkain ang pandaigdigang produksiyon ng bigas at mga patakaran sa kalakalan.

Dahil dito, inatasan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga ahensiya ng DA na patuloy na rebisahin ang kanilang mga plano sa pagtugon sa El Niño habang dumarating ang mga bagong datos hinggil sa panahon, mga pananim, suplay ng tubig, at merkado, upang mabawasan ang epekto ng tagtuyot sa seguridad sa pagkain, suplay at presyo.

“Ang mga aral na natutunan natin mula sa matinding El Niño na nagtapos noong kalagitnaan ng 2024 ay dapat makatulong sa atin para sa mas mahusay na pagtugon sa hamon ng klima na kinakaharap natin ngayon,” ani Tiu Laurel. Sinabi niya na kumikilos ang DA para sa agarang tulong sa mga lokal na prodyuser at para sa mga paunang hakbang upang matiyak ang suplay ng pagkain bago mauwi sa kakulangan at pagtaas ng presyo ang mga pagkaantala dulot ng panahon.

Itinaas ng BSP ang interest rate ng 25 basis points kamakailan bilang paunang hakbang laban sa patuloy na mataas na inflation. Hindi rin nito isinasantabi ang karagdagang hakbang sa monetary policy kung magpapatuloy ang pressure sa mga presyo.

Hindi lamang theoretical ang pangambang ito. Noong nakaraang yugto ng El Niño, sumipa ang pandaigdigang presyo ng bigas habang nagsabay ang mga pangamba sa epekto ng panahon at mga pqghihigpit sa pag-export ng India. Ayon sa FAO, tumaas ng 21 porsiyento ang All Rice Price Index nito noong 2023, higit sa lahat dahil sa pangamba sa epekto ng El Niño sa produksyon at sa mga paghihigpit ng India.

Nagpatupad ang India ng mga paghihigpit sa pag-export ng non-basmati white rice noong Hulyo 2023, kasabay ng iba pang mga paghihigpit. Ipinakita nito kung gaano kabilis na maaaring lumiit ang pandaigdigang suplay dahil sa mga desisyon ng isang malaking bansang nagluluwas ng bigas at kung paano ito maaaring makaapekto sa mga merkadong umaasa sa importasyon.

Hinarap din ng Pilipinas ang hamon matapos lumiit ang sektor ng agrikultura noong 2024, kung saan nagdulot ang masamang panahon ng 4.85% pagbaba sa produksyon ng bigas kumpara sa nakaraang taon. Dahil dito, maaaring lalong maipit ang lokal na suplay kung muling tatama ang tagtuyot habang nananatiling bulnerable ang pandaigdigang merkado sa mga pagkaantala dulot ng panahon at kalakalan.

Para sa DA, ang paghahanda ay higit pa sa pamamahagi ng tulong matapos masira ang mga pananim. Kabilang dito ang pagpapalakas ng irigasyon, pagsasaayos ng mga iskedyul ng pagtatanim, pagtiyak sa sapat na farm inputs, pagsubaybay sa mga imbentaryo, at paghahanda ng mga hakbang sa importasyon at merkado kung kinakailangan.

Sinabi ni Tiu Laurel na kabilang sa estratehiya ang paglilipat ng produksyon sa mga rehiyong hindi gaanong maaapektuhan, pagpapalawak ng cloud seeding at solar-powered irrigation, at mas mahusay na paggamit ng tubig. Kasama rin dito ang pamamahagi ng mga binhing matibay sa tagtuyot, pagbibigay ng crop insurance indemnification, at pagpapalawig ng emergency financial support para sa mga magsasakang madaling maapektuhan.

“Kailangan nating dagdagan ang produksyon sa mga lugar na hindi gaanong matindi ang magiging epekto ng El Niño, dagdagan ang tubig na makukuha ng mga magsasaka, at gamitin nang wasto ang bawat patak sa pamamagitan ng mga pamamaraan tulad ng alternate wetting and drying at pagtatanim ng mga pananim na mas kaunti ang kailangan na tubig,” aniya.

Share.