Patay ang isang ginang matapos sakalin ng kanyang sariling ama sa loob ng kanilang tahanan sa Laur, Nueva Ecija kamakalawa ng hapon.
Sa ulat na ipinadala ni P/Major Zandrew M. Tipay, hepe ng Laur MPS, kay PColonel Ritchie Claravall, provincial director ng NEPPO, ang biktima ay kinilalang si Aprilyn Aquino y Bermudez, 37, may asawa at nakatira sa Barangay III, Laur.
Samantalang ang suspek ay nakilala namang si Frederick Bermudez y Lanzona, 60, may asawa, isang jeepney driver at nakatira sa Barangay Canantong, Laur.
Ayon sa ulat, personal na nagreport sa himpilan ang suspek bandang ala-5:10 ng hapon at iniulat na napatay niya ang kanyang anak sa pamamagitan ng pagsakal kasunod ng kanilang matinding pagtatalo.
Napag-alamang madalas magtalo ang mag-ama sa maraming bagay at sa kunsumisyon ng ama sa anak ay nagawa na niya itong patayin.
Kaagad namang nagtungo sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang mga tauhan ng Laur MPS upang magsagawa ng visual na imbestigasyon.
Matapos nito ay sinuri ng Laur Rural Health Unit (RHU) ang biktima at opisyal na idineklara itong dead on the spot.
Humingi din ng tulong ang mga pulis sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa pag-aasikaso at pagsusuri ng crime scene.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang malaman ang kabuuang sitwasyon at iba pang impormasyon na may kinalaman sa krimen.(Danilo Gravador)

Share.